“Ako Naman ang Hihirit”

“Ako Naman ang Hihirit.”
Ni Jackie Vasquez ©

Ang artikulo na ito ay sumasalamin sa dokyumentaryong “MisEdukasyon” ng IBON Foundation Inc.

Sa daan-daang rebyu na mahahanap mo sa internet ukol sa dokyu na “MisEdukasyon”, marahil ay alam mo na itong tatalakayin ko. Teka, alam mo nga ba?

Alam mo ba ang mga kinahaharap na suliranin sa sistemang edukasyon ng Pilipinas? Alam mo nga ba na magpasahanggang ngayon ay napapasailalim pa rin tayo sa mga kamay ng mga Amerikano? Alam mo ba na palaki ng palaki ang presyo ng edukasyon? Alam mo rin ba na sa panahon ngayon, hindi sipag at talino lamang ang basehan upang makakuha ng trabaho?

Siguro nga ay alam mo na. Ngunit pag-isipan mo muli.

Pangkaraniwan na kung sasabihin ko na ang problema ng edukasyon sa ating bansa ay ang mga pasilidad nito. Masikip at mainit na silid-aralan, sira-sirang upuan, maruming paligid, kulang sa mga visual aids, at sangkatutak na iba pa. Ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, may mga pangunahing suliranin ang edukasyon sa ating bansa. Binanggit sa dokyu ang tatlong katangian ng edukasyon sa Pilipinas.

Kolonyal. Ang pagiging kolonyal ng Pilipinas ay bunga ng pananakop ng mga Amerikano sa atin ilang daang taon nang nakalipas. Gumamit sila ng lehitimong paraan ng pananakop – ang sistemang institusiyonalisasyon. Hindi lamang siyensa ang kanilang itinuro kundi ipinakita rin nila ang oriyentasyong maka-Amerikano, kung saan sila ang may kapangyarihan sa atin. Ang mga Pilipino ay mas naging pamilyar sa kanilang kasaysayan, kultura at kaisipan kaysa sa sariling atin. Namulat ang ating mga mata sa modernisasyon na nakapagbago ng malaki sa atin. Pinalawak nila ang saklaw ng wikang Ingles, na dumating sa punto na ito ang dapat gamitin sa pagtuturo. Tinangkilik natin ang mga produktong banyaga, habang naisantabi ang mga produktong lokal. Hindi kailanman nawala ang kontrol ng bansang Amerika sa atin.

Dahil sa paglawak ng kapangyarihan ng wikang Ingles sa edukasyon, lumitaw ang kaisipan na dapat itong gamitin bilang wika sa pagtuturo. Ngunit hindi lahat ng tao ay kaya umunawa ng wikang Ingles. Kadalasan ay pagmememorya na lamang ang ginagawa ng mga estudyante sa halip na intindihin ang isang leksyon. Tanggap na lamang ng tanggap ng leksyon, at hindi na nagtatanong. Kaya nga pinalalaganap ang transformative learning, sinasasabi nito na hindi lamang sa loob ng apat na poste ng silid-aralan makakamtan ang edukasyon.

Komersyalisado. “Edukasyon lamang ang tanging kayamanan na maibibigay namin sa aming mga anak.” Iyan ang palaging sinasabi ng mga magulang. Dugo at pawis ang kanilang ibinubuhos makapag-aral lamang ang kanilang mga anak sa isang mahusay na unibersidad. Ngunit ginagawang negosyo ang mga paaralan. Karamihan sa mga unibersidad na may kalidad na edukasyon ay pagmamay-ari ng mga pribadong sektor. Ibig sabihin ay mataas ang singil nito sa tuition fee at iba pang bayarin. Walang ibang pagpipilian ang mga magulang na ito kundi ang pag-aralin ang kanilang mga anak sa isang pampublikong paaralan na hindi ganoon kahusay ang kalidad ng edukasyon. Paano naman ang mga kapus-palad na nais makapagtapos at makahanap ng magandang trabaho na makapagraraos sa kanila sa kahirapan?

Elitista. Pansinin mo ang mga may-ari ng mga kumpanya, CEO, at mga empleyadong may matataas na posisyon. Ano ang pagkakapareho nila? Sila ang mga nagtapos sa mga kilala at bigatin na unibersidad. Nariyan ang Unibersidad ng Pilipinas, De La Salle University, at Ateneo de Manila University. Mas binibigyang atensyon ang mga nagtapos sa mga nabanggit na unibersidad. Sila ang mga prayoridad ng mga kumpanya ngayon. Ang pangalan ng unibersidad na iyong dinadala ay makatutulong o makasisira ng malaki sa iyo. Pahirapan ngayon ang paghanap ng hanap-buhay.

Saan na nga ba patungo ang diskusyong ito? Isang panawagan. Isang panawagan sa mga mag-aaral, magulang, guro, sa mga empleyado sa paaralan, DepEd, sa mga hanay ng pamahalaan, at sa lahat na may oras basahin ang artikulong ito. Ano ba ang magagawa natin sa sistemang edukasyon ng ating bansa? Tanggap na lamang ba tayo ng tanggap sa pilit na isinusubo sa atin?

Siguro nga ay alam mo na. Ngunit pag-isipan mo muli. ©