Yilmaz claims he has reconciled with wife Ruffa

PNS — Mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), dumiretso si Yilmaz Bektas sa Shangri-La Hotel sa Makati City. Dito siya mamamalagi ng sampung araw.

Dumating ng 4:59 PM kahapon si Yilmaz para dalawin ang asawang si Ruffa Gutierrez at ang kanilang mga anak na sina Lorin at Venice.

Sa panayam kay Yilmaz, kinumpirma nito ang balita na nagkabalikan na sila ni Ruffa.

Gusto ni Yilmaz na magbakasyon sa Cebu City, kasama ang kanyang asawa at mga anak.

Sinabi rin ni Yilmaz sa mga reporters na nag-abang sa airport na kabilang sa plano niya ang permanenteng paninirahan nila ng kanyang pamilya sa Spain dahil ayaw na ni Ruffa na bumalik sa Istanbul, Turkey.

Nabanggit din ni Yilmaz na hindi siya nagpasundo kay Ruffa sa airport dahil ayaw niya na maging bahagi ng “ceremony” (read: pandemonium) ang kanyang pamilya. Ayon sa source na nasa NAIA, lumikha ng kaguluhan ang pagdating ni Yilmaz sa airport dahil nag-unahan ang mga reporters, photographers, at TV crew sa pag-interview sa kanya.

Maging ang ibang pasahero ay nagulat sa pagtrato ng media sa controversial husband ni Ruffa.

Natuwa ang mga reporters kay Yilmaz dahil hindi ito naging madamot sa pagbibigay ng statement. Mabait at hindi raw mahirap lapitan si Yilmaz kaya naiintindihan nila kung sakaling makipagbalikan sa kanya si Ruffa sa kabila ng mga matitinding paratang nila noon laban sa isa’t isa.

Matatandaang pagkatapos i-announce ni Ruffa ang paghihiwalay nila ni Yilmaz, naging parang teleserye ang mga sumunod na pangyayari. Nandiyang magpalitan ng mga akusasyon at malalakit na salita.

Dumating pa sa puntong sinabi ni Ruffa na binubugbog diumano siya ni Yilmaz at nabunyag ang unang pagpapaksal ng actress-TV host sa isang nagngangalang Richard Daloia.

Pero pagkatapos ng lahat ay tila nanaig pa rin ang pagmamahalan nina Ruffa at Yilmaz sa isa’t isa kaya sa pagbabalikan din nila ang magiging katapusan ng kanilang mala-teleseryeng love story.