Angel signs 2-year exclusive contract with ABS-CBN

PNS — Pagkatapos makapagpahinga pagdating mula sa Amerika at sa pag-aaral nito sa London, pumirma ng kontrata sa ganap na 11: 30 ng umaga si Angel Locsin sa ABS-CBN. Naganap ang pirmahan sa isang function room sa 14th floor ng ELJ Building ng Kapamilya Network.

Darating sa contract signing na ito sina ABS-CBN Executive Vice President Ms. Charo Santos-Concio, Malou Santos of Star Cinema, at Cory Vidanes representing ABS-CBN, while Angel is with her manager, Becky Aguila.

Pumirma ng dalawang taong kontrata si Angel sa ABS-CBN. Ayaw i-divulge ng kahit na sino mula sa ABS-CBN at sa kampo ni Angel ang nakapaloob sa kontrata as of this moment.

Isang fantasy-drama series ang unang regular show na lalabasan ni Angel sa Kapamilya Network. Gaya ng nababalita, ang makakapareha niya ay walang iba kundi ang hottest male property ng ABS-CBN na si Piolo Pascual. Ang title ng kanilang proyekto ay Taong-Lobo na ididirek ni Cathy Garcia-Molina.

Nakatakdang mag-shoot anytime this month sina Angel at Piolo. Pero ang target date for airing ng Taong-Lobo ay sa October pa.

Pagdating ni Angel noong Huwebes, August 9, kasama sa kanyang schedule ang pagpunta niya sa GMA-7 para pormal na magpaalam sa mga executives ng Kapuso Network. Pero nang mabasa diumano ni Angel ang sinabi ng SVP for Entertainment TV ng GMA-7 na si Ms. Wilma Galvante na huwag nang magsayang ng oras ang dating Kapuso star, nalungkot ang young actress.

Pinayuhan na lamang ang young actress ng mga taong malapit sa kanya na huwag na munang ituloy ang balak niya na pagbisita sa dating mga boss sa GMA-7. Nakahanda raw maghintay si Angel hanggang humupa ang galit ng mga nagtampong executives sa kanyang paglipat sa ABS-CBN.

Sa unang pagkakataon, magsasalita na si Angel sa lahat ng mga isyung ibinabato sa kanya sa isang exclusive interview na gagawin ni Boy Abunda para sa The Buzz.