Kris: Tama na, hindi na ako magsasalita!

PHILIPPINE NEWS SERVICE — NAGPASABI na si Kris Aquino na ayaw na niyang magsalita pa tungkol sa isyung kinasasangkutan nila ni James Yap.

Ayon kay Kris, pinagbawalan na siya ng kanyang mga kapatid na huwag nang magsalita para once and for all ay matapos na ang isyu dahil pati ang kandidatura ng kapatid na si Sen. Noynoy ay nagdadamay na.

Sa The Buzz last Sunday ay punto por puntong sinagot ni Kris ang mga intriga tungkol sa napabalitang “panunugod” umano niya kay Mayen Austria, bagong “girl” umano ni James at kapitbahay nila sa Valle Verde 2.

Mahaba at malinaw ang mga ipinahayag ni Kris sa harap ni Boy Abunda na halatang pinipigil umiyak pero hindi na nito napigilan nang sabihing sobrang nami-miss niya ang ina na si Tita Cory lalo na sa panahong ito na may problema ang marriage nila ni James.

Inamin ni Kris na after lumabas ang isyung ito, na ayon na rin sa kanya ay hindi sa kanila galing kungdi sa parte ng mga Austria, nag-usap silang magkaka-patid at pinayuhan siya ng Ate Viel niya na mag-sorry sa nanay ni Mayen, na ginawa naman ni Kris on national TV.

Masakit para kay Kris na nadadamay si Noynoy sa personal niyang problema at nalulungkot din siya dahil sa tuwing may kontrobersiya siyang kinakaharap ay ang kapatid ang binabalikan ng kanyang detractors.

Matatandaan na matagal nang tutol sa kanyang life style ang kanyang Kuya Noynoy. Noon nga ay halos pitong taon silang hindi nag-usap dahil sa pagkakaroon niyang ibang klase ng pamumuhay, na taliwas sa kagustuhan ng pamilya Aquino.

Kinausap na rin ni Noy-noy si James na gumawa ng hakbang para maisalba ang kanilang marriage alang-alang sa mga anak.

Pansamantalang tumutuloy ang mag-iinang Kris sa bahay ng kanyang Ate Pinky sa Greenmeadows dahil sa January 25 ay itu-turn over na rin sa bagong may-ari ang bahay nila ni James sa Valle Verde.

Kung magkaayos man si Kris at James in the future, panahon lang ang maka-kapagsabi.