In fairness, pretty at flawless si Rustom — Carmina

PNS — ALIW na aliw ang showbiz press sa tsikahan portion with Carmina Villarroel sa presscon ng iniendorso niyang Bioderm Family Germicidal Soap sa Annabel’s resto kahapon.

Actually, kasama ni Mina bilang Bioderm endorsers ang kambal na sina Mavy at Cassy, seven years old, pero siya lang ang humarap sa writers, wala ang mga bagets.

Anyway, naging very open ang aktres tungkol sa ilang bagay sa pagsasama nila ni Zoren Legaspi.

Sa tinagal-tagal daw ng pagiging partners nila in life, 11 years, ’di na isyu kung kasal man sila o hindi.

“Legaspi” ang apelyidong dala nina Mavy at Cassy, masaya sila’t nagkakasundo, kaya walang rason para magmadaling ikasal sa huwes man o sa simbahan.

“Wala namang balakid, kahit bukas, kung gusto ni Zoren, puwede. It’s just that we don’t feel na may missing part, alam n’yo ’yon? Sobrang masaya kami, walang problema, kaya siguro ganu’n,” ani Mina.

Isa pa, ikasal man daw sila ni Zoren, type pa rin niyang gamitin ang maiden name na “Villarroel.”

“Basta sa amin, lifetime na ’to, eh,” dagdag paniniguro pa ng actress-TV host.

Maging ang dating asawang si Rustom Padilla, openly na niyang napag-uusapan.

Nakita nga raw niya ang video clip nito sa Startalk nang magdamit-babae sa isang awards night. Ang reaksyon niya rito?

“In fairness, pretty siya… in fairness, flawless si Rustom, huh!” sabay tawa.

Siguro raw, kaya naki-carry na niyang pag-usapan ito ay dahil matagal nang tapos ang chapter nila sa buhay ng isa’t isa.

Dugtong pa ni Mina, “Kahit anong gawin niya as long as happy siya, happy na rin ako para sa kanya.”

Nag-sex ba sila nu’ng nagsasama pa? Tili niya, “Ay, ano ba ’yan?! Wholesome ako, ’no!”

Puwede rin daw silang magsama-sama nina Zoren at Rustom sa isang pelikula, depende na nga lang kung papayag si Zoren.