|

Terorismo sa Amerika: Ilang aral para sa Pilipinas
Disyembre 7, l941 - Pearl Harbor; Setyembre 11, 2001 - New York,
Washington at Pennsylvania. . . . dalawang mahalagang petsa sa kasaysayan
ng bansang Amerika at ng buong daigdig, dalawang pangyayaring kinakitaan
kung paano ang nasabing bansa ay naging tampulan ng habag at simpatiya
ng maraming nasyon at mamamayan.
Ang una ay siyang nag-udyok sa Amerika na makilahok sa Panglawang
Digmaang Pandaigdig; ang pangalawa ay ang paglulunsad nito ng pandaigdigang
kampanya laban sa terorismo.
Sa pasimula ng dalawang pangyayari, ang Amerika ay biktima ng karahasan
na nagdulot ng pagkasawi sa maraming buhay, pangyayaring di kapani-paniwala
sa paningin ng marami dahil sa lawak at lakas ng pinsalang idinulot
nito. Sa bandang huli, napagtagumpayan ng Amerika noong 1945 ang
pagsugpo sa lakas ng Pasismo at Nazismo(Nazism); samantala, magtagumpay
din kaya ito laban sa tinatayang salot ng makabagong daigdig ---
ang terorismo?
 |
|
WTC Twin towers
|
|
Ang dahas at pinsalang tinamo ng bansang Amerika buhat sa kamay
ng pinaghihinalaang utak ng karahasang naganap nitong nakaraang
Setyembre 11, 2001 ay di pa lubos na natatantiya habang sinusulat
ang pitak na ito. Hi-jacking ng apat (4) na malalaking eroplano
sa Amerika, dalawa nito ay kinusang ibinangga sa World Trade Center
(New York) na siyang ikinaguho nito; isa naman sa Pentagon (Washington);
at isa sa Pennsylvania. Mahigit na 6,500 katao ang tinatayang nawawala,
at habang sinusulat ang pitak na ito, mahigit na 400 ang kumpirmado
ng patay. Si Osama bin Laden, isang panatikong Muslim na Arabo na
hinihinalang nagtatago sa Afghanistan, ang kinikilalang ugat at
puno ng nasabing karahasan. Sa kanya ngayon nakatuon ang malaking
galit, hindi lamang ng bansang Amerika, kundi pati na ng mga bansang
kaalyado nito --- kasama na ang Pilipinas. At dahilan sa pagkupkop
ng Afghanistan sa kanya, marami pang buhay ang masasawi sa nasabing
bansa sa ganting salakay na hinihinalang gagawin ng Amerika sa mga
darating na araw.
Ilang leksiyon, sa paningin ng Pilipinas, ang di dapat nating kalimutan.
Una, bilang kaalyado at kaibigan ng Amerika, tutol din tayo sa mga
patraidor na patakaran ng terorismo. Nguni't ito ay di sapat para
di natin pahalagahan ang buhay ng mga sibilyan at karaniwang mamamayan
na masasawi sa labanan, maging Filipino, Afghan o Iraqui man sila.
Ang buhay na masawi ay di na maibabalik, kung kaya't ang dahas,
kapag ito ay sinagot ng isa pang dahas, ang kahihinatnan ay ang
lalo pang kasawian ng maraming buhay.
Ang pangalawang bagay na dapat din nating isaisip ay ang pagkakaroon
mismo sa ating bansa ng mga galamay ng terorismo --- halimbawa ay
ang pinsalang ginagawa ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Mindanao.
Bago tayo pumalaot sa isang pandaigdigang pakikibaka laban dito,
makabubuti marahil na bigyan natin ng prayoridad ang pagsugpo sa
mga bandidong ito. Kapag ito ay ating napagtagumpayan, para na rin
tayong nagtagumpay at nakatulong sa pandaigdigang kilusan laban
sa terorismo.
Ang pangatlong leksiyon na nakikita namin buhat sa mga pangyayaring
ito ay ang pinsalang idinudulot ng galit (hatred) kapag ito ay kinimkim
sa puso at damdamin ng sinuman. Kapag ito ang naghari, para na rin
nating isinara ang pinto ng pagpapatawad (forgiveness) sa ating
kapwa. Ang kristiyanong pananaw na ito ay isa sa mga sandigan ng
makabagong sibilisasyon, kung kaya't sa kabila ng maraming pamayanang
problema na kinakaharap ng maraming bansa, patuloy pa rin ang pag-usad
ng daigdig tungo sa kasaganaan. Sa karahasan, lahat tayo ay talo,
walang mananalo.
Ang bansang Pilipinas ay di kasing unlad at kasing lakas ng bansang
Amerika. Ang ating pambasang interes ay di katulad ng sa Amerika.
Bagama't maraming prinsipyo, pananaw, tradisyon, kasaysayan, ugali
at mga pangarapin sa hinaharap ang nag-uugnay sa dalawang bansa,
ito ay di sapat para isingkaw na lamang natin sa Amerika ang ating
kinabukasan. Malaya nating tahakin ang landas sangayon sa ating
mga pangangailangan at naisin sapagka't ito ang kalayaang ipinamana
sa atin at pinagbuwisan ng buhay ng ating mga bayani.
Sa kabila ng maraming problemang hinaharap ng bansa sa ngayon ---
kasama na ang terorismo --- ang pokus at prayoridad ng Pilipinas
ang dapat pa rin nating pagtuunan ng pansin...at di ang interes
ng sino pa mang bansa. *
(Reprinted with permission from Kabayan Publishing Co.)
<React
to this article> <Read
other reactions>
You may email the author at ernie@philippinestoday.net
|