|

Mga nakakatuwa sa Japan - 2
Bakit mahilig ang mga Hapon na magtanong tungkol sa kani-kanilang
blood type?
Marahil ay walang ibang bansa sa mundo ang naniniwala na ang blood
type ay may relasyon sa personalidad ng tao kundi ang bansang Hapon.
Hindi nga naman nating pwedeng pagbukud-bukurin ang tao sa apat
na uri lamang tulad ng pagbukud-bukod natin sa uri ng dugo. Marahil
ito'y pagpapatunay na halos magkapareho ang kanilang mga katangian
at kung pwede man itong pagbukud-bukurin ay magagawa lamang sa apat
na paraan.
Bakit partikular ang mga Hapon sa edad ng tao?
Mapapansin natin na kahit tayo'y mag-check in lang sa hotel sa kailangan
nating isulat ang ating kaarawan. At marahil ilang beses na rin
tayong natanong ng ating mga kaibigang Hapon kung ano ang ating
edad. Iyan ay natural dito sa Japan, na kung saan ang pagtuturing
sa bawat isa ay nakabase sa edad ng tao. Ang kanilang lipunan ay
maituturing nating paternalistic na kung saan ang seniority ay binabase
sa edad. Kung minsan ay naiinis pa nga sila kung hindi nila alam
ang edad ng kanilang kausap dahil hindi nila alam kung paano ang
pagtrato sa kanya.
Bakit ang hilig nilang mag-biyahe bilang grupo?
Ito'y nagsimula noong sila'y bata pa na kung saan ang paaralan mismo
ang nag-aayos ng kanilang biyahe. Parati nilang naaalala ang saya
ng mga panahong ito kaya't kahit sila'y matanda na ay gusto pa rin
nilang sumama sa isang malaking tour group lalo na kung sila'y nasa
labas ng Japan. Iyong tour guide na ang tumatayo bilang guro. Feeling
estudyante sila ngayon at parang "good ol' days."
At siyempre naman, kung sila'y mag-isa lang na pumunta sa London
kunwari at umorder ng misoshiro ay siguradong hindi sila
pagsisilbihan. Ngunit kung sila'y mahigit 50 at maaring marami pa
ang darating sa susunod na buwan ay tiyak na hindi pa man lang nila
naisip ang salitang itadakimasu ay nagkakandarapa na ang
mga waiter sa pagsilbi ng kaniling mahal na misoshiro.
Bakit sikat na sikat ang baseball sa Japan?
Ito'y dahil ang rules o alituntunin ng baseball ay tumutugma sa
personalidad ng mga Hapon. Sa baseball, klarong klaro ang responsibilidad
ng bawat manlalaro: iyong pitcher ay nagpipitch habang iyong hitter
ay naghihit. Ang batters ay 1 to 9 at ang bawat isa ay may kanya-kanyang
papel sa palaruan. Para sa mga Hapon na may group mentality, ito'y
angkop na angkop sa kanilang kultura.
At siyempre, dahil mabagal ang laro, may panahon para magisip ng
estratehiya ang coach, at nabibigyan sila ng panahon para sumali
sa pagiisip ng sunod na hakbang, kahit sila'y nanonood lamang. Kahit
mahaba ang laro ay balewala ito sa mga Hapon na likas na mapagpaumanhin.
Ito'y ibang-iba sa basketball na gustong gusto ng mga Pinoy, na
nagmana ng "cockfight mentality" mula sa Kastila.
Bakit ang hilig hilig nilang maligo?
Siyempre mahilig din tayong maligong mga Pinoy, ngunit kung ikumpara
natin ang Hapon o Pinoy sa mga dayuhang galing sa Amerika o Europa
ay tiyak na mas mahilig ang Hapon sa hot bath kaysa sa ano mang
nasyonalidad. Ito ay may dalawang dahilan. Una, ang tag-init sa
Japan ay talagang sobrang init na sinasamahan pa ng matinding kahalumigmigan
o humidity. Habang ang winter naman ay talagang napakalamig. Ang
pagsawsaw sa isang mainit na paliguan ay nagbibigay ng kaginhawaan
para sa kanila.
Ang pangalawang dahilan ay ito'y nagbibigay din ng matinding kaluwagan
o relaxation. Ang kanilang lipunan ay maituturing nating status-oriented
kaya't sila'y parang robot at pormal sa labas ng kanilang bahay.
Sa loob ng ofuro lamang nila pwedeng ilabas ang kanilang
likas na katauhan.
Bakit nakasanayan na nilang magbasa ng manga sa loob ng train?
Sabi ng iba na hindi mabubuhay ang mga Hapon kung walang manga.
Marahil ito ay totoo dahil kahit saan ka man pumunta ay talagang
makakakita ka ng Hapon na nagbabasa ng manga. At ito'y kinakaugalian
na nila lalo na't sila'y nagbabiyahe sa loob ng tren.
Hindi lahat ng komiks sa Japan ay pambata o kaya'y puno ng kalaswaan.
Mayroon ding mga love stories o kaya'y aksyon na naka-serye, kaya't
para sa mga sumusubaybay nito ay hindi talaga pwedeng kaligtaan
ang isyu buwan-buwan. At dahil maiiksi lamang ang pagitan ng mga
estasyon, lalo na sa Tokyo o mga malalapit na lugar, mabilis din
lang ang pagbasa ng mga komiks na ito.
At para naman sa mga mahahaba ang biyahe, madalas ay nagbabasa
sila ng diyaryo papunta sa trabaho at manga naman pauwi. Oo nga
naman dahil kung ika'y pagod na ay dapat lang na magagaan na ang
iyong babasahin.
Kung ang Hapon ay mahilig sa manga, ang Pinoy naman ay mahilig
sa mango. Bakit kaya?*
<React
to this article> <Read
other reactions>
You may email the author at butch@philippinestoday.net
|