|

Pagkaraan ng isang taon
MAHIGIT ng isang taon ang nakaraan nang mapatalsik sa poder
si dating Pangulong Joseph Estrada at malagay naman sa puwesto
si Pangulong Gloria Arroyo. Muli, ipinakita ng mga Pilipino
ang kanilang determinasyong magpalit ng lider sa pamamagitan
ng "people power" --- tulad ng nangyari noong 1986
nang si dating Pangulong Ferdinand Marcos ay alisin sa poder
sa pamamagitan ng tinatawag na EDSA-1. Ipinakitang muli nila
na hindi kailangan pang hintayin ang susunod na halalan at
magtiis pa ng ilang taon bago magpalit ng lider na sa paningin
nila ay palpak, bulok o di magaling.
At si Pangulong Arroyo na nga ang nasa kapangyarihan isang
taon na ngayon ang nakaraan. Mahalaga marahil tanungin natin
ang ating sarili kung sadyang nagkaroon na nga ng pagbabago
ang ating kalagayan sa buhay --- sa personal na kabuhayan,
pagbabago ng kalidad sa larangan ng pulitika, moralidad sa
pamumuno, ekonomiya at katahimikan ng bansa, atbp. --- nitong
nakaraang isang taon.
Una, sa personal na kalagayan sa buhay: dumami ang nawalan
ng trabaho, mahigit na 3,000 kumpanya/pagawaan/negosyo ang
nagsara, nananatiling P50 ang palitan ng dolyar, budget deficit
sa halagang P147 bilyon, di tumaas na porsiyento ng poverty
alleviation, pagbaba ng export trade ng bansa, patuloy na
pagdami ng populasyon (2.25%), di umuunlad na ekonomiya ng
US at Japan (pangunahing trade partners ng Pilipinas), smuggling
ng bigas at asukal na ikinababahala ng mga magsasakang Pilipino,
pagbaba at pagbabawas ng kinikita at trabaho ng mga OFWs sa
Hongkong, Japan at Singapore, atbp.
Panglawa, sa larangan ng pulitika: patuloy na iringan at away
ng ilang matataas ng lider-pamahalaan, matinding pamumulitika
sa Senado at Mababang Kapulungan, nabubunyag ng katiwalian
sa gobyerno na kinasasangkutan ni First Genetleman Mike Arroyo,
patuloy na labanan at patayan sa Mindanao, patuloy na pamamayagpag
ng Abu Sayyaf at Pentagon terrorist groups sa Basilan at Maguindanao,
gulong dulot ng tropa ni dating ARMM Gobernor Nur Misuari,
mabagal na pag-usad ng mga kasong kinakaharap ni Erap, di
mamatay-matay na tsismis hinggil sa coup d'etat, at marami
pang iba.
Nasaan tayo noon at paano tayo ngayon? May pagbabago ba?
Mas higit na batid ng mga mamamayan mismo ang tunay nilang
kalagayan sa ngayon. Dito ay walang kinalaman ang mga magagandang
report na sinasabi ng pamahalaan, ng burukrasya, pulis at
military, dahilan sa sila ay nasa pamunuan at siyempre panay
na magaganda ang kanilang sasabihin. Pero ano ba ang totoo?
Ang tunay na nararamdaman ni Juan de la Cruz o ang report
na nababasa natin sa mga pahayagan, pinapanood sa TV at napapakinggan
sa radio?
Sa aming paningin, ang ating bansa ay patuloy pa ring nakatali
sa kahirapan, mabagal pa rin ang pag-asenso ng ilang sektor
ng lipunan, di pa rin nagbabago ang lawak at dami ng katiwalian
sa gobyerno, ang peace and order problem ay lalong nagiging
matindi, patuloy na dumarami ang mga walang hanap-buhay na
Pilipino --- sa ibang salita, wala pa ring nakikitang magandang
pagasa ang mga mamamayan sa mga darating na araw.
Bakit at ano marahil ang dapat na solusyon? Magpalit uli ng
lider, mag-alsang muli ang mga mamamayan at muling bumuo ng
EDSA-4? Tanungin natin ang ating sarili. Kung magpalit naman
tayo ng lider, sino naman ang ipapalit at nakatitiyak ba tayong
magbabago na ang takbo ng ating buhay? Makukuha ba natin ang
lahat ng ito sa dasal lamang?
Sa lahat ng mga katanungang ito, wala kaming maipapayo na
siguradong solusyon. Sa kamay rin nating mga mamamayan nakasalalay
ang ating kinabukasan --- sa ating pagkakaisa, bukas at mapanuring
kaisipan, at sama-samang pagkilos na ipahayag sa ating pamunuan
ang tunay na hinaing ng bayan. Isang maganda at makabuluhang
pagbabago sa lahat ng ating kilos ang nararapat nating papaghariin
sa ating mga puso at damdamin. Maaari nating gawin ito ngayon
--- pagkaraan ng isang taon sa pamunuan ni Pangulong Gloria
Macapagal Arroyo. *
Back to top
<React
to this article> <Read
other reactions>
You may email the author at ernie@philippinestoday.net
|