|

Ang Pasko ni Isay
@
MAGKAHALONG pagkabahala at kaligayahan ang naramdaman ni Luisa
habang binubuksan ang sulat na natanggap buhat sa Pilipinas. Iisa
lamang ang maaaring pagmulan nito --- si Atoy, ang nakababata niyang
kapatid, labing-walong gulang at kasalukuyang nasa huling antas
ng high school sa bayan nila sa Laguna.
Ulila ng lubos sa mga magulang silang magkapatid. Si Isay ay guro
sa isang pribadong paaralan sa loob ng sampung taon, subali't
dala ng pangangailangan, ginawa niyang talikuran ang kanyang propisyon
at ngayon nga ay narito siya sa Japan bilang isang empleyado sa
isang malaking pagawaan ng noodles. Limang buwan na siya sa bansang
ito. Bagama't hindi lubhang kalakihan ang kanyang kinikita,
masasabing mas malaking di hamak ang kanyang monthly take-home pay
ngayon kaysa sa tinatanggap niya sa Pilipinas. Mayroon na siyang
kaunting naiipon sa bangko, habang patuloy naman niyang naigagapang
ang mga pangangailangan ni Atoy sa kanyang pag-aaral.
Si Isay ay may mataas na pangarap sa buhay. Nais niyang harapin
ang kinabukasan ng may dignidad, bilang isang propisyonal, kung
kaya't sa kabila ng kanilang kahirapan, sinikap niyang makapag-aral
sa kolehiyo sa paniniwalang ito ang tanging paraan upang ang kahirapang
dinanas ng kanilang pamilya ay magawa niyang talikuran. Isang mangingisda
sa Lawa ng Laguna ang kanyang yumaong ama, samantalang ang ina naman
niya ay tindera sa palengke sa kanilang bayan.
Ang ganitong mataas na pangarap ang nag-udyok kay Isay para iwasan
ang katuparan ng kanyang mga panariling pangangailangan. Ang tawag
ng damdamin, tibok halimbawa ng kanyang puso, pag-ibig ng isang
nagdadalaga, ay kinusa niyang ipa-isang tabi alang-alang sa kanyang
pangarap. Totoo na minsan na siyang umibig, kay Berto, isa niyang
kababata at kamag-aral sa elementarya, subali't nagawa niyang
paglabanan ang lahat. Si Berto ngayon ay nagtatrabaho bilang security
guard sa isang kumpanya sa Canlubang, pero matagal na rin silang
di nagkikita o nagsusulatan man lamang. Marahil ay mayroon na itong
asawa at pamilya, ang karaniwan niyang nasasabi sa sarili sa tuwing
sasagi sa ala-ala si Berto --- ang iisang lalaking minsa'y
nagpatibok sa kanyang waring matigas na batong puso sa ngayon.
Sa tuwing darating ang panahon ng kapaskuhan at bagong taon, di
maiwasang kasumgi sa kanyang ala-ala ang kanyang payak at musmos
na nakaraan sa kanilang bayan. Sa pampang ng ilog, ginugunita niya
ang paglalaro ng mga bangkang papel at sabuyan ng tubig na ginagawa
nila ng kanyang mga kalaro at kaibigan. Nasaan na kaya ngayon si
Ana, si Ruby, at si Agnes --- ang kanilang pinakamasaya at bilyakang
kabarkada --- ang anak ng kanilang Meyor sa kanilang bayan. Minsan
sa kanilang pagkakaroling, nanariwa sa kanyang ala-ala ang tig-tatlong
piso nilang kinita sa magdamag nilang pagkanta ng mga Christmas
songs sa bayan. Ibinili niya ito ng watusi at ilang rebentador para
paghahanda sa bagong taon. Nang dumating ang takdang araw, si Atoy
naman lahat ang nagpaputok ng mga ito --- doon din sa pampang ng
ilog kung saan ang kanilang kubo, ang bunga ng maraming taong paghihirap
ng kanyang ama, ay nakatirik.
Dito sa Ibaraki Prefecture ay kakaiba ang kanyang nararamdaman.
Sa limang buwan niyang itinigil dito, di niya nalilimutan ang magsimba
tuwing lingo, kasama ang ilang Pilipinong estudyante, mga kaanak
nila, at ilang Pilipinong nagtatrabaho sa club. Ilan sa kanila ang
humihikayat sa kanya na magbago ng trabaho, mas malaki daw ang kinikita
dito at di lubhang hirap ang katawan. Kailangan lamang ay maging
malambing sa mga customer, mga Pilipino at Hapones, at pag ikaw
ay kanilang nakawilihan, minsan ay mas malaki pa ang tip na kaya
mong maipon kaysa aktuwal na kikitain sa buong magdamag.
Ang rangya, ganda at kaunlaran ng bansang Hapon ay isang palaisipang
malimit bumagabag sa kanyang isipan. Inihahambing niya ang Pilipinas
sa bansang ito. Ano ba ang sikreto at saan nagkakaiba ang dalawa?
Disiplina at sipag ng mga mamamayan, o sa kalidad ng mga namumuno
sa pamahalaan? Marahil ang lahat ng ito ang dahilan. Pero sadya
kayang wala ng pag-asang umunlad and Pilipinas? Kung sa lebel ng
mga mamamayan ay maghahari ang sipag, tiyaga at katipiran, hindi
kaya ito ang susi sa isang maunlad na bukas, di lamang sa personal
na ambisyon ng isa't isa, kundi sa kinabukasan mismo ng buong
bansa?
Sa darating na Pasko, sa pangunang pagkakataon, ay di niya kapiling
si Atoy. Hindi rin niya makakasama ang kanyang mga malalapit na
kaibigan. Kung bagama't mayroon na siya ngayong kaunting naiipon,
ang bunga ng kanyang mga paghihirap sa loob ng nakaraang limang
buwan, hinahanap pa rin ng kanyang sarili ang mga magagandang ala-ala
ng nakaraan sa kanyang buhay, sa kanilang maliit na bayan, kapiling
ng kanyang mga malalapit na kaanak at kaibigan.
Kung ang tunay na diwa ng Pasko ay pagmamahalan at pagbibigayan
sa isa't isa, sa puso ni Isay ay nakatimo ngayon ang magkahalong
damdamin ng pangamba at pagsasaya --- pangamba sa patutunguhan ng
kanyang buhay sa ibang bansa, at pagsasaya dahilan sa diwa ng kapaskuhan
na ngayon ay muling nananariwa sa kanyang nakalipas na ala-ala.
*
<React
to this article> <Read
other reactions>
You may email the author at ernie@philippinestoday.net
|