Welcome to
Advertise       Archive       Site Map       About Us       Contact Us    
15 Dec. 01 - 14 Jan. 02
The longest running, most widely-read newspaper for Filipinos in Japan
MAIN SECTION
Home
News Analysis
Opinion
Features/Lifestyle
Entertainment
Sports/Fitness
Inspirations
Laff Page
Community News
Philippine Headlines
Japan Headlines
INTERACTIVE
Liham sa editor
Talakayan
Special features
Balitaan
Search the site

Search for Filipino Sites:
browse by category

Monthly Update
Email Address:


Bahay Kubo Research

BACK TO TOP

Kung Ano Ang Puno Ay Siyang Bunga


Mahirap maghusga ng kapwa lalo na't alam nating lahat na walang perpektong tao sa mundo maliban sa Ating Panginoong si Hesukristo. Subalit hindi naman siguro paghuhusga ang paglalahad ko ng nangyari sa anak ni Ann na dating hostes sa Olongapo bago siya nakapag-asawa ng isang Hapones. May dalawang anak siya sa dalawang lalaking kinasama niya sa Pilipinas. Iyong isa ay kababata at kapitbahay nila sa Tondo. Nakipagtanan siya doon nang siya ay makatapos ng mataas na paaralan. Akala niya ay nakabingwit na siya ng matabang isda dahil may kaya ang lalaki subalit dahil sa ayaw siya ng mga magulang niyon ay isinauli siya sa kaniyang mga magulang. Ang kaso, nang mangyari iyon ay may laman na ang kaniyang tiyan. Wala raw pakialam ang mga magulang ng lalaki sa kaniya dahil papaano daw sila makakasigurong apo nga nila ang isisilang niya.

Kahit sila mahirap ay may natitira pa ring pagpapahalaga sa sarili ang kaniyang mga magulang kaya hindi na ipinagpilitan ng mga iyon na akuhin ng kababata niya ang tungkulin sa kaniyang magiging anak. Lalaki ang naging anak niya doon.

Para mabuhay niya ang kaniyang anak ay sumama si Ann sa kaniyang kaibigan sa Olongapo. Nagtrabaho siya doon una bilang weytres subalit may nagmungkahi sa kaniyang pumasok sa isang bar doon bilang hostes para maging mas malaki daw ang kita niya. Doon niya ngayon nakilala ang isang sundalong Amerikano na lahing Mehicano.

Inakala niyang nakasuwerte na siya, at sumama siya sa sundalo nang yayain siya niyon na magsama sila. Ang nangyari ay pinaasa siyang pakakasalan subalit hindi natupad iyon at huli na nang malaman niya ang tunay na dahilan. Buntis na siya nang malaman niyang may asawa pala iyon sa Amerika at nang ipagtapat niyang siya ay nagdadalangtao ay umalis iyon na hindi na nagpaalam sa kaniya. Kaya balik na naman si Ann sa kaniyang mga magulang na hindi naman siya maitakwil.

Nagsilang siya ng isang anak na babae. Pinangalanan niya ng Divina at binansagan ng "Divine" ang kaniyang sanggol. Maganda ang bata dahil sa lahi ng ama. Dahil sa dalawa na ang anak niya at hindi naman sila mayaman kaya balik na naman si Ann sa paghahanap ng trabaho. Nang hindi siya makakita ay bumalik siya sa bar na pinagtrabahuhan niya sa Olongapo. Iniwan niyang muli ang kaniyang anak na lalaki sa kaniyang mga magulang subalit isinama niya ang kaniyang bunso. Naging maingat na siyang huwag mabuntisan pagkatapos noon para daw wala nang sakit ng ulo.

Ang kaso nang pumutok ang Mt. Pinatubo ay nag-alisan ang mga kano at nagsara ang pinapasukan niyang bar kaya bumalik na naman siya sa Maynila. May nagmungkahi sa kaniyang gayahin ang isang kapitbahay nila na nagpakasal sa isang Hapon sa pamamagitan ng isang ahente ng pagpapakasal. Omiai kokusai kekkon daw ang tawag doon. Ipinaliwanag sa kaniya na sa ingles iyon ay mail-order bride. Wala daw siyang babayaran, bagkos ay siya pa raw ang bibigyan ng pera. Natuwa naman siya. Magpaparehistro lang daw siya at magbibigay ng kaniyang larawan. Pagkatapos ay tatawagan daw siya kapag may nakagusto sa kaniya.

Dalawang buwan din siyang naghintay. Magpapasko na noon nang tawagan daw siya ng ahente at ibinalitang may gusto raw na magpakasal sa kaniya. Bagong taon daw dadating iyon na kasama ng iba pang Hapon na magpapakasal sa mga Pilipinang tulad niya.

Sa isang salita ay nagpakasal si Ann sa isang Hapones na tatawagin nating Sato-san. Sa totoo lang ay hindi ito kaso ni Ann kundi ni Divine. Kaya lang ay inakala namin na ikuwento na rin ang puno't dulo ng kasong ito.

Limang taon na si Divine nang magpakasal si Ann kay Sato-san subalit hindi niya ipinagtapat doon na may dalawa siyang anak. Naiwan si Ann sa Maynila pagkatapos ng kasal dahil kailangan daw na kumuha sila ng kurso sa pagpapakasal sa mga dayuhan sa Kagawaran ng Suliraning Panglabas. Pagkatapos ng tatlong buwan ay saka lang siya nakasunod kay Sato-san. Inabot pa ng dalawang taon bago siya nagkalakas ng loob na ipagtapat sa Hapon ang tungkol sa kaniyang mga anak. Noon ay buhos na ang loob ni Sato-san sa kaniya. Pumayag iyon na kunin ang isa lamang sa kaniyang mga anak. Mabigat daw ang dalawa. Dahil sa mga magulang naman niya ang nagpalaki sa panganay niya ay pinagpasiyahan niyang kunin na lamang si Divine na pumapasok na noon sa mababang paaralan. Nasa ikalawang taon na noon si Divine nang maayos niya ang mga papeles niyon at papuntahin sa Hapon. Inampon ni Sato-san ang bata na nakapasok sa paaralan subalit kinailangan na ibalik sa unang taon ng mababang paaralan na malapit sa kanilang tirahan.

Dahil sa kailangan niyang tustusan ang kaniyang naiwang anak sa Pilipinas ay naisip ni Ann na makisosyo sa isang kaibigan niyang nagtayo ng ahensiya ng pagpapakasal sa mga dayuhan ng mga Pilipina sa Maynila. Dahil doon ay naging madalas ang pagpunta ni Ann sa Pilipinas, subalit hindi naman niya maisama ang kaniyang anak dahil sa pumapasok iyon sa iskuwela.

Naging ganoon ang pamumuhay nila. Madalas na wala si Ann at naiiwan sa kanila ang kaniyang asawa at anak. Nasa Maynila siya noon nang tawagan ng mga pulis si Ann. Hinuli daw nila si Divine subalit hindi naman nila ipinaliwanag sa kaniya ang dahilan. Basta umuwi daw siya sa lalong madaling panahon. Galit na galit ang kaniyang asawa nang tawagan niya iyon subalit hindi rin niyon sinabi ang dahilan kung bakit. Nang makabalik siya ay dinala siya ng kaniyang asawa sa himpilan ng pulis. Noon lang niya nalaman ang katotohanan.

Nahuli daw si Divine sa isang otel nang magreyd ang mga pulis doon. Huling-huli raw sa aktong nakikipagtalik iyon sa isang matandang Hapon na nagbayad ng malaki para sa panandaliang aliw. Nagulat daw ang mga pulis nang malamang labingdalawang taon pa lang ang bata dahil malaking bulas iyon gawa nang dayuhan ang tunay na ama. Hiyang-hiya si Ann at nangako sa mga pulis na babantayan daw niya ang kaniyang anak at nang hindi na umulit iyon sa pagbebenta ng panandaliang aliw. Sinabi sa kanya ng mga pulis na gusto daw niyon na magkaroon ng perang pambili ng mga pampaganda.

Halos magwala si Ann nang ibalik ang anak niya sa kanila. Gusto man daw niyang bugbugin ang bata ay hindi niya magawa dahil baka lalo daw na magrebelde iyon. Sising-sisi siya noon sa nangyari na alam daw niyang kabayaran sa pagiging makasalanan din niya noon. Subalit dahil sa ayaw naman niyang masira ang naging negosyo na niya ay balik na naman daw siya sa dating nakagawian na niyang pag-uwi-uwi sa Pilipinas para humanap ng mapapangasawa ng mga Hapon na mga kababayan niya.

Nakatapos nang maluwalhati ang kaniyang anak sa mababang paaralan at mabait naman daw ang mga pulis na hindi ipinaalam kahit kanino ang ginawa ng kaniyang anak. Lumipas din ang isang taon niyon sa junior high school na walang nangyaring masama kaya inakala niyang nagpapakatino na ang kaniyang anak. Doon siya nagkamali! *


(Abangan ang karugtong sa Enero...)

 
SITE SEARCH

Advance Search
 
OTHER STORIES

MONEY MATTERS
What's your worth?

FINESSE
Enjoy gift-giving!

BUSINESS IDEAS
How to build a multimillion business from only P5000!

DATELINE: NEW YORK
Buhay pinoy - New York stayl

DATELINE: MANILA
Manila happenings atbp.

POLICE BLOTTER
Kung anong puno ay siyang bunga

 

 
 
 
 
 


Philippines Today
©Copyright 2001, All Rights Reserved