Buhay Pinoy - New York Istayl
DAHIL first time na mababasa ninyo ito, matamang dapat bigyan ng
paunang salita at ng malaman naman kung saan galing at paano nagsimula
ang column na ito. Kawing ng pagpapatuloy na pagsusulat at makipagtalastasan
sa ating mga kapwa kababayan kahit nasa labas na ng bansa. Unang
lumabas ang aking mga panulat sa mga nagdaang issues ng PT sa pamamagitan
ng mga tula at poetic expressions.
Magkasama sa panulat ang may-akda at ang PT editor-in-chief sa
isang University Paper (pahayagang pang-kampus). Kahit na hindi
AB Journalism o Mass Comm ang mga kursong kinuha ay hindi ginawang
sagabal at dahilan para hindi matutong sumulat. Kumbaga, writing
is always in our vein and still continue to flow like ...(Tama na
at napakahabang panimula na ito).
Nasa kabilang panig man ng mundo ay nararapat ding malaman ng mga
mambabasa kung ano na ang mga nangyayari sa mga kapwa migrante at
manggagawa. Kahit ano man ang ating mga gawain ay mga manggagawang
Pilipino pa rin tayo. Masasabing marami sa atin ang lumikas na sa
bansang kinamulatan dahil sa kawalang pag-asa at wala nang naiwang
pagtatrabahuan doon at kung meron man ay hindi sapat na bumuhay
(ng matiwasay at may dignidad) ng sarili at mag-anak.
Sad to say that Philippines is exporting its labor. Sabi nga ng
mga statisticians ay 10% of Filipinos are no longer in the Philippines
but are living outside the country. At everyday, marami pa ang lumalabas.
Ang perang pinapadala natin ay malaki ang naitutulong sa pambansang
ekonomiya. Paulit-ulit ay sinasabi ng mga lumipas nating mga pangulo
na "OCWs are modern day Filipino heroes." Our remittances
help bail out the economy ng Pinas.
New York is slowly getting back to its feet after the September
11 attack on World Trade Center and Pentagon. Ground Zero o ang
area na binagsakan ng dalawang skycrapers ng World Trade, still
lies in shambles and ruin at patuloy pa rin ang pag-dig up ng mga
bumbero at workers. May mangilan-ngilan pang mga bangkay ang nakikita
at may punit pa rin ang puso ng kalahatang New York. May displacement
sa trabaho at unemployment. Pilit na iniiwasan ang recession.
Mahirap dahil mataas ang cost of living dito sa New York. Pareho
din siguro ng Tokyo at ilang Japanese cities. Kung nasa Manhattan
ka, which is the center of New York City, at malapit sa midtown
ay parang puputok ang butsi mo sa taas ng upa sa apartment. Ang
"studio-type apartment" kung minsan ay umaabot sa $800/month.
Dagdag pa diyan ang bayad sa kuryente, telepono, cell phone, labada
sa laundro-mat (walang nagsasampay na mga labandera dito) at kung
ano pang mga kaetsehan. Migrant workers do come here in New York
to work. And a lot hope they can earn. Subalit sa mahal ng presyo
at pangkabuhayan ay nahihirapan din ang karamihan sa pag-iipon.
Lima ang boroughs ng New York City - Manhattan, Bronx, Brooklyn,
Queens at Staten Island. Maraming Pilipino ang nakatalaga sa Queens
at Manhattan. Marami ring mga Pinoy ang nakatira sa Jersey City.
Ito ay isang isang lunsod na across the Hudson River lang, practically
3 - 5 minute drive across the Lincoln or Holland Tunnel (tunnel
na dumadaan sa ilalim ng ilog). Ang Jersey City ay kabilang na sa
State ng New Jersey.
Maraming mga Pinoy dito ang nagtatrabaho sa opisina at mga medical
institutions/hospitals. Meron ding malaking bilang ng mga nannies,
yaya at domestic workers. Usually kinukuha sila ng dahil famous
reputation na pulido magtrabaho ang mga pinoy lalo na sa pag-aalaga
sa bata.
Tinatantiyang 3 million ang mga Pinoy sa US. Hindi pa kalakip nito
ang mga illegal aliens. Isa ang Pinoy sa mga pinakamaraming bilang
ng minorities dito sa buong US. Kasama natin ang mga Mexicans, Chinese,
Dominicans, etc. Subalit, walang tinig ang mga Pinoy sa komunidad.
Kumbaga ay hindi pa empowered ang mga Filipinos dito sa New York.
Sa California ay dahan-dahang napapaupo sa mga government posts
ang ilang mga Fil-Ams at Pinoys, subalit masyadong maliit pa ang
bilang. Dala pa rin yata natin ang pananaw na "kanya-kanya".
On the brighter side, Pasko na nga pala at mapapansing sabik ang
karamihan sa mga Pinoy dito sa paskong kinagisnan sa Pilipinas.
May mga paring Pilipino din dito kung kaya'y may mga Simbang Gabi
sa ilang mga simbahan bago dumating ang araw ng Pasko. Yun nga lang
at alas otso ang misa at hindi hatinggabi. Initiative ito ng mga
Pinoy kaya parang Pilipino mass na rin. May mangilan-ngilang Latin
Americans (mga taga-El Salvador, Honduras, Dominican Republic, Mexico)
din na dumadalo. Sa misa, pinupuslit din ng mga mang-aawit sa choir
ang ilang mga Filipino Christmas carols. Pinagpapatuloy pa rin ng
mga Pinoy dito ang noche buena during Christmas eve. Mapapansing
may queso de bola, hamon, pandesal, fruit salad, pancit, at adobo
ang nilalaman ng mesa. Parang Pilipinas nga , minus the bibingka,
and other hard-to-make sticky rice products. Filipinos here buy
native food na available sa Pinoy stores sa Queens, Chinatown sa
Manhattan at sa Jersey City.
Teka, nauubusan na tayo ng space. Marami pang mga pagtutok sa buhay
Pinoy dito sa New York ang mababasa sa mga susunod na isyu. Matamang
dapat subaybayan. Sabi nga ni Jimmy Santos - "If you don't
eat, you die!" Hoping this will also serve as food to fill
your consciousness.*
|