Dreams
come true
LIMANG taon na lang ay magreretiro na si Mariano. Matagal na rin
siyang naninilbihan sa Hukbong Pangdagatan ng Estados Unidos ng
Amerika. Balak niyang isama muna sa Amerika ang bagong misis niya
na si Perlita para maayos ang papeles niyon at mabigyan ng green-card
bago sila tuluyang manirahan ng marangya sa Pilipinas sa pamamagitan
ng tatanggapin niyang pensyon. Sa Hapon sila nagkilala kasi at sa
Hapon din ikinasal. Ni hindi pa nga lubusang kinikilalang "dependent"
niya ang babae.
Nagkakilala sina Mariano at Perlita sa isang inuman nang minsang
magkatuwaan sila ng kaniyang mga kaibigan na magpunta sa isang pab
na malapit sa base.. Isang titigan lang ay nahulog na ang kanilang
mga puso sa isa't isa bagamat pareho silang may pananagutan
na sa buhay.
Bagamat kasal si Perlita sa una niyang asawa ay matagal na silang
hiwalay. Nang mangibang-bansa ang asawa niya ay nakisama iyon sa
isang kapwa Pilipino din dala siguro daw ng kalungkutan. Nagkaroon
ng mga anak ang kaniyang asawa sa iba at hinamon siya ng hiwalay.
May anak sila ng asawa niya na isa subalit nang humingi iyon ng
hiwalay ay pinabayaan na silang mag-ina. Napilitan tuloy siya na
sumama sa isang kaibigan na magpa-Japan para matustusan niya ang
kaniyang anak at kaniyang mga magulang. Pangarap din niyang magkaroon
ng bahay at lupa para sa kanila.
Nakatatlong balik na si Perlita sa Hapon ng magkakilala sila ni
Mariano. Nang mismong araw din iyon ay nag-usap silang magkikita
sila pagkatapos ng trabaho ng babae. Hinintay ni Mariano ang babae,
at nang matapos nga ang trabaho ng babae ay nagpunta sila sa isang
restauran at doon sila nagpasiyang hindi sila uuwi ng kani-kanilang
bahay at doon sila tutuloy sa isang hotel sa labas ng naval base.
Mula noon ay naging madalas ang pagtatalik ng dalawa hanggang
sa may nakapagbalita sa asawa ni Mariano ng pakikiapid niya sa ibang
babae. Nagalit ang asawa ni Mariano subalit imbes na harapin niyon
si Mariano ay gumanti sa kaniya na nanlalaki sa isang Amerikanong
sundalo rin. Nagalit siyempre si Mariano at hinamon ang asawa ng
hiwalay. Pumayag ang babae, at dahil napatunayan ang pakikiapid
ng asawa niya gawa nang taga-loob ng base ang karibal niya ay kay
Mariano napunta ang dalawa nilang mga anak.
Pagkababa ng diborsiyo niya ay inalok niya ngayon si Perlita ng
kasal. Tuwang-tuwa naman ang babae. "Dream come true,"
ang sabi niya sa kaniyang ina. Humingi sila ng kinakailangang permiso
para sila mapakasal. Kumbidado lahat ng mga kasamahan ni Mariano
na bumaba na ng bapor at sa loob na lang ng base nagtrabaho bago
siya tuluyang umalis sa serbisyo.
Hindi naman maiwasan ng mga kaibigan ng dating asawa ni Mariano
na magsipagtaasan ang mga kilay sa nangyari. "Hindi magtatagal
ang dalawang iyan." "Lintek lang ang walang ganti!"
"Palibhasa Japayuki!"---ang mga pamumulang maririnig
sa kanila lalo na nang mabalitaang ipinagpapatuloy ng babae ang
pagtratrabaho sa gabi sa labas. At para naman na di-mapansin ang
trabaho ng asawa, matiyagang hinahatid at sinusundo ni Mariano ang
bagong asawa na siyang dahilan kung bakit madalas na inaantok siya
sa trabaho at parang pirmi siyang pagod.
Nang malaman ng tencho (manedyer ng mise) na taga-base sina Perlita
ay naghabilin iyon kung puede magpabili ng mga alak sa loob. Noong
una ay kung ano lamang ang kanilang rasyon ang ibinibigay nila sa
tencho. Subalit nang masubukan nilang maganda ang kita nila ay kinaibigan
nila iyong isang nakilala nila sa commissary na dagdagan ang rasyon
nila. Konting pakipkip at pumayag naman ang kababayan na hindi naman
nagtanong kung bakit ganoong kadaming alak ang binibili nila. Nang
lumaon ay pati bigas na California rice ay ipinabibili na rin sa
kanila. Subalit hindi sila nakasuhan dahil doon. Mas mabigat ang
naging kaso nila.
Dahil sa lalong lumaki ang gastos at pangangailangan nina Mariano
at Perlita dahil nga sa anak ng babae, magulang at kapatid na umaasa
lang sa kanila, pumayag si Mariano sa mga mungkahi niyon ng babae
na magnegosyo sila ng kung anu-anong bagay na mabibili nila sa loob
ng base kahit na bawal at delikado.
Dahil sa malaki ang kinita nila ay naisip nilang maghoneymoon
sa labas ng Hapon. Isang taon na silang kasal noon subalit ni minsan
ay hindi pa sila nakapag-honeymoon. Tumawid dagat sila at doon ay
bumili ng mga maininegosyo nila. Marami silang pinamili doon. Puro
brand goods ang binili nila na ilang patong kung ibebenta sa Hapon.
Isang T-shirt halimbawa na nagkakahalaga lamang ng 10 dolyar ay
alam nilang bibilhin ng mga Hapon ng kahit na isang daang dolyar.
Ipinalagay nila ang kanilang pinamili sa mga kahon at ipinadala
sa Hapon sa pamamagitan ng busong militar dahil walang bayad at
garantisadong matatanggap nila. Ilan araw lang nilang hinintay ang
mga bagahe nila pagkabalik nila sa Hapon. Dahil sa marami silang
dinalang samples ay marami na silang natanggap na mga order para
sa mga T-shirt, sapatos, wallet, shoulder bag at mga pantalon na
kilala sa pangalan na ibininta nila ng mahal kahit na ang katotohanan
pala ay ay mga peke ang mga iyon.
Malaki ang kinita nila kaya naisip nilang magpunta kung saan-saan
para humanap ng mga brand goods na ipapadala nila sa busong militarat
ibebenta sa loob at labas ng base. May nakabalita ng tinda nilang
mag-asawang Pilipino at Hapones na binili lahat ang paninda nila.
Dito ngayon nabisto ang ginagawa nila. Natural ngayon na may bumiling
Hapon ng isang palsipikadong bag. Nang malaman na palsipikado ang
binili niyang bag ay nagsumbong sa pulis. Inimbestigahan ngayon
ang mag-asawang tindero na itinuro ngayon sina Mariano at Perlita
na siyang nagbebenta ng mga palsipikadong brand goods. Pinalusot
pa ang ilang binili at ipinadala nila sa busong militar bago nagkaroon
ng utos ng paghuli (warrant of arrest) at utos ng pagsisiyasat (search
warrant) para sa kanila.
Nang mahuli sila ay laking iskandalo ang nangyari dahil napakaliit
ng mundong kanilang ginagalawan. Tinanong lahat ang mga taong ginamit
nila ang mga pangalan subalit nagsabi na ni isang kusing ay hindi
nila binalatuhan ng kanilang kita. Ang katwiran nila ay hindi naman
daw naghirap ang mga taong ginamit nila ang mga pangalan kahit na
alam naman nilang maaaring mapahamak din ang mga iyon.
Noong una ay ayaw pang umamin ng dalawa, at marami tuloy ang pinagtatanong
ng mga pulis at muntik-muntikan nang dakpin din dahil akala sa kanila
ay pinagtatakpan lang nila ang mag-asawa. Hanggang sa maakusahan
sila ay nagmatigas ang kanilang mga salita at hindi inamin ang kanilang
ginawa. Ang katwiran lalo na nang babae e "malay ba daw nila
na mga palsipikado pala ang mga binili nilang brand goods!"
Imbes ngayon na bumaba ang sentensiya nila ay bumigat pa lalo ang
kaso nila.
Maaaring humiling si Mariano na doon na lang siya ikulong sa kulungang
militar sa Amerika pagkatapos na masentensiyahan sa hukuman sa Hapon.
Dahil sa "dishonorably discharged" siya ay hindi niya
ngayon makukuha ang dapat na mapasakaniyang pensyon niya. Dahil
sa US Citizen siya ay makakapunta pa rin siya sa Amerika. Subalit
si Perlita ay baka hanggang piyer na lamang dahil malabo na siyang
makasunod sa Amerika dahil sa naging kaso nilang bawal na pag-aangkat,
paglabag sa Customs Tariff Law ng Hapon, pagbebenta ng mga palsipikadong
brand goods, at paglabag sa US-Japan Military Agreement.
Ngayon ang mga anak ni Mariano ay tinitignan ng mga kaibigan nila.
Pinatatapos lang ang semestro itong sa pagpasok nila sa eskuwelahan
at sila ay ipapauwi na sa kanilang mga lolo at lola dahil ayaw ng
asawang puti ng nanay nila na doon sila.. Mabuti na lang ay nakuha
ni Mariano ang mga magulang niya sa San Diego at doon pupunta ang
mga anak niya na ayaw sa Pilipinas at madumi, maalikabok at mainit
daw. Nakakadugo ng puso, hindi ba?*
|