Dilemma sa hapag-kainan
ma. agnes villarino-agudana
Umuusok ang sinigang
kung saan nalulunod
sa isang mangkok na sabaw
ang bangus na nakisaliw
sa asim ng sampalok
kung saan namumula ang kamatis
sa kutya ng sibuyas.
Nanulis ang nguso
ng gutom kong bunganga
kaya't pilit inabot
ang isang kutsarang sabaw
ng bangus na nakikisaliw
sa asim ng sampalok
na kung saan namumula ang kamatis
sa kutya ng sibuyas ...
Nang bigla ay tumilapon
dahil sa iyong makabagbag-damdaming pag-ngiyaw
nagpapakyut, nagmamakaawang
hinihingi ang sabaw
at buong bangus
na nakikisaliw
sa asim ng sampalok
na may namumulang kamatis
sa pang-aasar ng sibuyas.
At ako'y nagdalawang isip
'kako'y pareho lang tayo a!
gutom din ako
ngunit bakit ako
ay kinakailangang magbanat ng buto
nang sa gayu'y malasap
itong beinte singko pisong ulam.
Habang ikaw
ay sa isang ngiyaw lamang
ay sineswerteng nabubusog
at napapadighay,
nakakatulog ng mahimbing
at malayang nakakapaghabi
ng pangarap.
|