Dalawang
taon na si Danny sa Hapon. Panglimang pasok na niya sa bansang
ito. Subalit para sa maraming Pilipino na katulad ni Danny,
hindi magandang kinabukasan kundi malaking dagok at siphayo
sa buhay ang nakamtan nila sa bansang ito.
Si Danny ay nasa piitan at naghihintay ng hatol sa ginawa
niyang kasalanan. Nakabangga siya ng sasakyan na naging sanhi
ng pagkamatay ng Hapones na nagmamaneho nito.
Hatinggabi nang mangyari ang aksidente. Kagagaling lang
niya sa isang handaan kasabay ng kinakasama niyang Pilipina.
Nang dumating ang mga pulis at tinanong siya tungkol sa pasaporte
niya ay nalamang wala na siyang bisa. Ang sabi ng mga pulis
sa kaniya ay pinauwi na lang si Mari dahil buntis.
Hinuli muna siya sa kasalanang paglabag ng batas tungkol
sa Immigration and Refugee Control Law. Pagkatapos ay kinasuhan
siya sa paglabag niya sa batas tungkol sa trapiko dahil sa
nangyaring banggaan na binago at dinagdagan ng mas mabigat
na kasalanan nang mamatay ang biktimang Hapon.
Wala siyang mahingan ng tulong para mabayaran ang nasalanta
niya. Malaki ang hinihinging bayad-pinsala ng mga magulang
ng biktima. Maging ang bayad pinsala sa sasakyan ay wala siya
dahil hindi pala siya nagbabayad ng tinatawag na car insurance.
Aniya ay binili niya ang kotse sa isang kakilalang Pilipino
bago ito umuwi sa Pilipinas, at sinabi naman nitong binili
ang sasakyan sa isang kakilalang Hapones. Naenganyo naman
siya dahil pati lisensiya ay kasama na sa bayad niya.
Tuwang-tuwa siya. Bago nito ay naghihintay pa siya na mag-ala-singko
ng umaga para makasakay ng tren mula sa pinagtratrabahuhan
niyang mise (pubsnack o bar). Panggabi kasi siya. Bartender
siya doon at paminsan-minsan ay nahihilingang kumanta.
Ang totoo ay entertainer’s visa ang palaging dala
niya pagpunta sa Hapon. Nakakahiya man daw na sabihin ay pumasok
siya sa Hapon na kasama ng isang tropa ng mga bakla, at kung
saan-saan na siya nakarating. Noong una ay hindi niya iniinda
ang kahihiyang sumayaw na ayos babae, lalo na’t malaki
ang kita niya. Subalit noong huling punta niya sa Hapon bilang
entertainer na bakla ay hindi na siya nakatiis at ipinakita
niyang hindi siya bakla kundi isang lalaking may natitira
pang dangal.
Iyon daw kasing tencho (manedyer) nila ay ibig silang ibenta
sa mga yakuza bilang katuwaan. Hindi siya pumayag. Sinuntok
niya ang tencho at tinangka niyang saksakin ito ng kutsilyo.
Tumakas siya, sakay ng tren papuntang Tokyo. Nagpasalamat
nga daw siya at may pera siyang naipon sa loob ng tatlong
buwan na itinigil niya noong huling punta nga niya sa Hapon.
Nang makarating siya sa Tokyo ay kinontak niya ang isang kapitbahay
niyang asawa ng isang Hapon na nakasama na rin niya sa trabaho.
Pinatuloy naman siya nito at dinala pagkatapos sa Kanagawa
at ipinasok sa isang mise bilang bartender.
Sinuwerte naman siya doon at mabait ang may-ari. Doon din
niya nakilala si Mari na nagyaya sa kanyang magsama na sila.
Pumayag naman siya kahit na alam niyang hindi sila
puwedeng magpakasal dahil may asawa’t anak siya sa Pilipinas.
Alang-alang nga sa pamilya niya kaya raw siya nagtiyagang
magbakla-baklaan, na siyang ipinayo ng isang kakilala niya
upang makapagtrabaho sa Hapon. Hindi niya ito sinabi noong
una sa misis niya subalit nabisto siya nang makita nito ang
ilang larawan na inuwi niya. Binola na nga lang daw niya ang
asawa niyang wala namang alam na tulad lang ng kabuki ang
ginagawa nila.
Ngayon, nang mangyari ang aksidente ay magulo daw ang isip
niya dahil sa nabanggit ni Mari sa kanya noong araw na ito’y
nagdadalantao. Nalito siya at hindi niya malaman ang gagawin
dahil magagalit siyempre ang asawa niya sa Pilipinas. Problema
pa ang kikitain niya kung sakaling hindi na makapagtrabaho
si Mari sa paglaki ng tiyan niyon. Samutsamot na problema
kaya nang yayain siya ni Pete na kaibigan niya na uminom ay
hindi siya tumanggi.
Nang bumalik siya sa katinuan ay nasa himpilan na siya ng
pulis at iniimbistigahan tungkol sa aksidente. Inamin naman
niya ang kasalanan niya at ang laki ng pagsisisi niya.
Nang dalawin siya ng abogadong ibinigay sa kanya ng hukuman
sinabihan siyang mabigat ang kaso niya. Ipinaalam sa kanya
na humihiling ang mga magulang ng biktima ng bayad-pinsala
na 100 milyong yen. Humigit-kumulang ay pinakamababa na ang
pitong taon sa bilangguan sa ginawa niyang kasalanan.
“Talagang sa huli ang pagsisisi,” ang sabi niya.
“Ano kaya kung nagtiyaga na lang ako sa trabaho ko noon
bilang janitor sa isang opisina? Ito ang kinasadlakan ko tuloy,”
ang himutok niya.