Philippines Today Online Edition
The longest-running, most widely read newspaper for Filipinos in Japan
Home 
Cover Story 
Comment & Opinion 
Features 
Entertainment 
Sports/Fitness 
Humor Page 
OFW Corner 
Phil. Headlines 
Japan Headlines 
Press Releases 
SITE SEARCH
Advance Search
Liham sa editor 
Talakayan 
Balitaan 
Readers' 
comments 
Site search 
Subscribe to the PT mailing list to receive monthly updates
Enter Email Address

Search for Filipino Sites
browse by category

 

Karaoketiquette

10 utos sa pagkanta ng karaoke mula sa mga beteranong amateur singers

by Benny & Lynne

Walong Pinoy na raw ang pinatay dahil sa pagkanta ng My Way sa karaoke. Nakakakilabot isipin kung ilan pa ang nabukulan, nasabunutan o nasaksak sa pagkanta ng I Will Always Love You ni Whitney Houston o Hard to Say I’m Sorry ng Chicago, na ilan lamang sa mga pinaka-trying hard kantahin ng mga Pinoy kahit sila’y kinakapos ng hininga o namimilipit sa pag-abot ng pitch ng mga ito.

Dito sa bansang Hapon, kung saan naimbento ang karaoke, wala pa kaming narinig na ganitong madugong balita na nangyari sa pagitan ng mga Hapon mismo. Sa mahihilig sa karaoke, maraming mapagpipiliang lugar kung gustong magliwaliw sa ganitong paraan— karaoke box, omise (pub o snack), o di kaya’y sa restorang Pinoy. Dahil ang karaoke ay isang private entertainment, na bukas para sa mga sintonado, trying-hard at beterano, pinakasafe o iwas-gulo ang karaoke box dahil ikaw lang at ang mga kasama mo, na malamang sanay na sa boses mo, ang makakarinig sa iyo. Kung baga, dito ay no holds barred, pwede kang magwala.

Pero mas mabuting sundin pa rin natin ang tamang etiketa o tuntunin ng kabutihang asal sa pagkanta ng karaoke. Sa 10 alituntunin na ito, mas marami ang paalalang nagbabawal. Alalahanin natin na ang pagkanta ng karaoke ay hindi lamang para sa mga magagaling, kundi para sa mga nais lamang mag-relaks pagkatapos ng mahabang oras sa trabaho, para sa mga nais mag-enjoy, makipaggimik sa barkada.

1. Palakpakan ang sino mang humahawak ng mike sa simula at dulo ng kanta. Mas nakakataba ng puso kung dagdagan pa natin sa gitna o sa bahaging highlight ng kanta. Ito’y basic rule na itinuturo ng mga mama-san sa kanilang mga talento o babae upang mahikayat ang mga customer na kumanta lalo. Para sa mga nag-e-enjoy lamang, ito ay courtesy sa kapwa, hindi pambobola o pang-uuto, na nagpapalambot ng ugnayan, nagtatanggal ng tensyon sa pagitan ng mga customer na maaaring hindi magkakilala. Kahit sa kasama, ito’y pagpapakita ng kagandahang loob.

2. Huwag sumabay sa kumakanta kung hindi ka inaanyayahan. Maghintay sa sariling kantang isinalang mo. Nakakainsultong kumuha ka ng ibang mike at sabayan mo ang kumakanta--kahit o lalo na kung sintonado ito--kung hindi ka naman hinihiling. Kung gusto mong sumabay o ensayuhin ang kinakanta niya, kumanta ka na lang ng walang mike, ngunit huwag mong lakasan o sapawan ang kumakanta.

3. Huwag mang-agaw ng kanta. Tiyakin mong ang kinakanta mo ay isinalang mo. May mga taong kapag nakakita ng paboritong kanta ay walang pasintabing dinadakma ang mike at dinidedma na ang nagsalang nito. Ito’y malubhang no-no sa karaoke.

4. Huwag magsalang ng kaparehong kanta na magkasunod. Kahit gustung-gusto mo ang kanta, pigilin mo ang sarili mo at maghintay ng at least 8 kanta (o isang buong display cycle ng listahan sa screen) bago ito ipasok. Kung bagong pasok ka lang sa lugar, ugaliing tingnan ang listahan ng mga nakasalang na kanta pagkatapos ng bawat isa upang iwasan ang sama ng loob ng kapwa. Kung talagang atat na atat kang kantahin ito, magpaalam ng maayos sa pribado sa kinauukulang tao at bago magsimula, sa ibang tao rin.

5. Huwag solohin ang mike. Hindi nagbayad ng tiket ang mga tao upang pakinggan ang konsiyerto mo, kaya bitawan mo ang mike pagkatapos ng isang kanta. Kung nahihiya ang mga taong kumanta, lalo na sa simula, unahan mo bilang warm-up at ikaw na ang magtanong at magsalang ng mga puwede nilang kantahin.

6. Huwag magyabang. May mga taong bago kumanta ay nagbibigay ng introng may dalang hangin. Sasabihin pa nilang nagtamo sila ng 95 score sa kantang ito, o nabigyan sila ng 1 lapad na tip, o napagkamalang si Mariah Carey, o kung anu-ano pang kayabangan. Kantahin mo na lang at hayaan mo ang tagapakinig maghusga, OK?

7. Huwag mangantiyaw o punahin ang kanta ng iba, maliban na lang kung hinihingi ang opinyon mo, at ibigay ito nang may paggalang at hindi nanghihiya. May ibang ginagaya pa ang istilo o pagbigkas ng iba sa mike mismo. Kahit sa anong sitwasyon, hindi magandang asal ang panghihiya.

8. Bigyang puri ang nararapat purihin. Masamang mambola, kaya sapat na ang compulsory clap sa karaniwang manganganta. Alam naman kasi ng tao kung ikaw ay nambibilog lang ng ulo. Subalit para sa may ipinapakitang natatanging kagalingan, bigyan ng papuri sa natural na paraan, huwag labis-labis.

9. Mag-ingat sa pagbibigay ng ad lib. Ilimita ito sa pagbati ng kaarawan o espesyal na okasyon sa tao o mga taong nasa loob ng lugar. Huwag masyadong magdaldal. Ang karaoke ay para sa pagkanta, at kung nais mong mag-emcee o mag-anunsyo, maghanap ka ng programa. Kahit salitang may magandang layunin ay pinagmumulan ng di pagkakaunawaan, selos, o pagkainis ng tagapakinig lalo na kung sila’y nakainom na o di kaya’y hindi sanay pagtuunan ng pansin ng di-kilalang tao.

10. Huwag humawak sa ibang tao habang kumakanta. Huwag magpantasyang ikaw ay may fans. Kahit gaano ka kagaling, huwag madala sa palakpak at hiyaw at dayuhin ang bawat mesa, lalo na’t hindi mo naman sila kilala. May mga taong pakamay-kamay at pahaplos-haplos sa iba, nag-i-imagine na sila’y performer. Ito’y masagwa at maaaring pagmulan ng selos at away.

Kapag masusunod n’yo ang lahat ng ito, enjoy ang inyong karaoke time!

Back to top



Click for the latest Yen-Peso Rate

OTHER STORIES

Karaoketiquette

Happy New Year from Mt. Tsukuba!

Making successful New Year's resolutions

New Year in Japan

Nasadlak sa dusa








Philippines Today
Copyright © 2001-2002. All Rights Reserved.
Email: webadmin@philippinestoday.net
URL: http://www.philippinestoday.net