Nawawalang
yaya: tangay ang kasagutan sa isang kamatayan?
Katatapos
pa lang ni Clarina ng mababang paaralan nang pinapunta siya
ng kanyang mga magulang sa Maynila para bantayan ang anak
ng kanyang tiya na papaalis noon papuntang Kuala Lumpur. Magtatatlong
taon na siya sa tiya niya nang magkasakit iyon at napilitang
umuwi ng Pilipinas.
Kaysa naman daw mapunta sa iba ang trabaho ay siya ang
inirekomendang kapalit ng tiya niya. Para walang maging problema
ay medyo pinatanda ang edad niya at nakapunta siya sa Kuala
Lumpur bilang isang katulong.
Nang malipat sa Hapon ang mga amo niya ay kasama rin siya.
Subalit nang namatay ang kanyang among lalaki, kinailangan
din ng pamilya nitong bumalik sa sarili nilang bansa. Hindi
siya maisama ng kanyang among babae, kaya inirekomenda siya
sa isang mag-asawang Amerikano na ang mga anak ay maliliit
pa. Live-in maid siya at walang takdang oras sa pagsisilbi.
Para kay Clarina, mas gusto niyang wala ang mga amo niya at
kayang-kaya niyang pasunurin ang mga alaga niya.
Maliban kung may handaan sa amo niya, ang Linggo ay araw
ng kanyang pamamahinga. Dahil malapit ang bahay ng mga amo
niya na tinitirahan niya sa Akabane, tuwing Linggo ay pumupunta
siya sa simbahan doon, kung saan marami siyang nakikilalang
kapwa niya katulong at ang mga boyfriend-boyfriend nila.
May isang humingi ng telepono niya nang malamang dalaga
siya. Dala na rin siguro ng kasabikan na maligawan at magkaroon
ng kasintahan ay ibinigay niya sa lalaki ang numero ng kanyang
mobile phone. Sa totoo lang ay wala talaga siyang balak na
mag-subscribe nito kundi nga lang siya madalas tanungin kung
may telepono siya o wala. Hindi naman niya maibigay ang telepono
sa bahay ng amo niya dahil sa ayaw nilang gamitin ito para
sa mga pribadong pagtawag niya.
Naging madalas ang pagtawag ng mga kaibigan niya sa kanya.
Isang araw, nang dalhin niya ang mga alaga niyang bata sa
palaruan gaya ng nakagawian nila pagkatapos niyang maglinis
o maglaba, nakatanggap siya ng tawag mula sa lalaking gustong
manligaw sa kanya. Natural, tuwang-tuwa siya. Tumalikod pa
siya kamo doon sa mga batang naglalaro at medyo maingay.
Mahaba ang usapan nila ng lalaki. Naroon na siguro pati
ang pangakuan siyang ibibigay sa kanya ang buwan, langit at
lupa! Nakalimutan niya tuloy ang mga alaga niya. Nasa gitna
sila ng masaya at matamis na pag-uusap nang biglang may humiyaw.
Nang lumingon siya ay nakita niyang pinagkakaguluhan ng mga
bata at mga kapwa niya mga katulong ang alaga niya. Pinatay
niya agad ang telepono at ni hindi na niya nagawang magpaalam
sa kausap niya. Lumapit siya sa kaguluhan at nakita niyang
hinihimas-himas ng isang katulong ang bata. Iniabot ang bata
sa kanya at habang inaamo-amo niya, kinarga niya ito pauwi
kasunod ang kapatid nitong nakakatanda. Pagdating sa bahay
ay pinunasan niya ang bata at pinalitan ng damit gawa nang
nadumihan ang suot nito. Pinatulog niya ito, at nasa ganoong
kalagayan ang bata nang dumating ang mga magulang nito.
Dahil para naman walang nangyari, hindi niya sinabi sa amo
niya ang pagkalaglag ng bata sa swing na inuugoy ng mas matandang
kapatid nito. Dahil siguro balisa rin ang kanyang
kapatid sa kinahihinatnan ng kanilang pakikipaglaro, hindi
na rin ito umimik.
Nang ginigising ang bata ay hindi ito tuminag, at mula sa
ilong ay lumabas ang maraming dugo. Isinugod ito ng mga magulang
sa pinakamalapit na ospital. Pagdating doon ay saka nila nalamang
nalagutan na ng hininga ang bata. Nang makita ng mga doktor
ang kalagayan ng bata, tumawag sila ng pulis at ipinaliwanag
ang tungkol sa pagkamatay ng bata. Inanyayahan ang mag-asawa
sa himpilan ng pulisya upang alamin ang mga pangyayari.
Kaugnay dito, ang mga pulis ay pumunta sa kanilang bahay
upang kapanayamin ang tagapag-alaga ng bata. Subalit nang
dumating sila roon ay wala na si Clarina, dala-dala ang lahat
ng gamit niya habang ang iba pang anak ng mga amo niya ay
natutulog pa.
Naghalungkat ang mga pulis sa kuwarto ni Clarina, subalit
walang makitang ebidensiya maliban sa nilabhan niyang damit
ng bata.
Hanggang ngayon ay hindi pa nakikita si Clarina. Wala namang
makitang talaan sa Narita o kung saang paliparan na umalis
na siya ng Hapon. Hinahanap pa rin siya ng mga pulis at lahat
ng mga tawag niya sa kaniyang telepono ay inaabangan nila
para makakuha sila ng lead sa pag-iimbestiga nila.
Naging usap-usapan ang pangyayaring ito na naging dahilan
ng pagtatanong ng pulis sa mga palakad-lakad na Pilipino sa
Akabane. Sinasabing isa rin ito sa mga naging dahilan sa panghuhuli
ng mga bilog o nanunuluyan sa Hapon ng labag sa batas nitong
nakaraan.
“Nasaan na kaya si Clarina,” ang tanong ng mga
nakakakilala sa kaniya. Kung andito pa siya sa Hapon ay mabuti
pang sumuko na siya at kung wala naman siyang kasalanan ay
hindi naman siya makukulong nang matagal bagamat maaari siyang
kasuhan ng negligence o hindi niya pagtupad ng dapat niyang
gawin upang makapagligtas ng isang buhay.