Ang pag-ibig kadalasan ay nagiging
ugat ng malagim na krimen
Una at huling pag-ibig
Magkapitbahay
sina Marilou at Joselito. Maliit pa sila ay nagkagustuhan
na sila. Nang pagalitan siya ng mga magulang sa pakikipag-ugnayan
niya kay Joey dahil gusto nilang magtapos muna siya, niyaya
niya ang nobyong magtanan sila. Nagdadalantao na siya nang
sila’y mahanap. Subalit ayaw ng mga magulang ni Joey
na ipakasal sila at batang-bata pa raw sila.
Hindi na nagtapos ng mataas ng paaralan si Marilou. Ang
pamilya naman ni Joey ay nagdesisyon na lumayo sa lugar nila
upang ilayo sila sa isa’t isa. Paminsan-minsan ay nagtatagpo
sila ni Joey subalit nang isilang niya ang kanyang anak ay
tuluyan nang lumayo si Joey hanggang sa mabalitaan niyang
nangibangbayan na raw iyon. Dahil dito ay naisip rin niyang
mag-Japan.
Nakatatlong tawid siya sa Japan bago niya nakilala ang isang
Hapon na nag-alok ng kasal. Mabait ang Hapon subalit ayaw
siya ng mga magulang nito. Nagtiis siya lalo na nang magkaroon
sila ng anak. Nagkasakit ng malubha ang asawa niya at namatay.
Kinamkam ng mga kamag-anak ng kanyang asawa ang mga dapat
na sana ay mapunta sa kanila ng kanyang mga anak.
Pansamantala silang umuwi sa Pilipinas ng mga anak niya.
Natuwa rin siya dahil makakapiling niyang muli ang kaniyang
anak kay Joey na inihabilin niya sa mga magulang niya. Nabalitaan
niyang bumalik na rin si Joey mula sa Saudi na pinagtrabahuhan
niya at nakikipagkita sa anak nila. Nang minsan ngang makipagkita
ito sa anak nila ay bumalik ang kanilang dating damdamin sa
isa’t isa. Iminungkahi niyang sumama ang lalaki sa pagbalik
nila ng mga anak niya sa Japan. Nagkusangloob siyang nagsabi
na siya ang magbabayad ng lahat. Nais niyang makasal sila
ni Joey subalit nalaman niyang hindi na malaya ito. Ang alam
niya ay nag-asawa ito sa isang nakasama sa Saudi nang mabalitaang
nagpakasal siya sa isang Hapon. Subalit hindi ito naging balakid
para madala niya si Joey sa Japan. Ang sabi naman ng lalaki
ay hiwalay na siya sa kanyang asawa na siyang tumitingin sa
mga anak nila.
Sa isang madaling salita ay dinala ni Marilou si Joey sa
Japan bilang turista. Pagkatapos nito ay nagbilog na ang lalaki.
Mag-iisang taon na silang nagsasama nang sabihin ni Joey na
kailangan niyong lumipat ng tirahan na pabahay daw ng kanyang
bagong amo. Pumayag naman siya dahil ayaw din naman niyang
siya na lang ang magbabalikat ng pamumuhay nila. Ang problema
nga lang ay walang mag-aalaga sa mga anak niya pagpasok niya
sa mise sa gabi. Napilitan tuloy siyang magtrabaho sa araw.
Nang una ay umuuwi si Joey sa kanila tuwing walang trabaho
iyon, subalit nang dalawa o tatlong buwang nakalipas ay dumalang
na ang pag-uwi nito. Nang pilitin niyang paaminin ang lalaki
sa totoong dahilan ay sinaktan siya nito sabay layas. Pinilit
niyang kalimutan ang panloloko sa kanya ni Joey. Subalit isang
araw, pagkalipas ng tatlong buwan, nakasalubong niya si Joey
na may kasamang Pilipina. Sasabunutan na niya ang Pilipina
nang itulak siya at sipain ni Joey. Minura siya ng babae,
“Hoy, ikaw ang puta. Ikaw itong kumakabit sa asawa ko!”
Nagulat si Marilou. Hindi niya akalain na kukunin pa ni
Joey ang asawa nito sa Japan. Nabuo sa sarili niyang maghihiganti
siya. Hindi niya alam kung saan nakitira si Joey pero tiyak
niyang malapit lang sa kanila dahil nakita niya sila sa shopping
arcade na malapit sa bahay niya. Naisip niyang ipatanong sa
kanyang anak sa mga lolo at lola nito kung saan nakatira ang
tatay nito sa Japan. Nang makuha niya ang adres ni Joey ay
bumili siya ng malaki at matalim na kutsilyo. Inabangan niya
ang pag-uwi ng lalaki. Tamang-tamang umuulan noon at walang
masyadong tao sa labas ng bahay niyon. Walang kaabog-abog
na sinaksak niya ang lalaki hanggang sa masadlak ito sa hagdan
ng apartment. Hindi niya mabunot ang kutsilyo sa may puso
dahil sumabit ito sa buto.
Puro dugo ang damit niya kaya pagdating niya ng bahay ay
agad-agad niyang hinubad at inilagay ito sa washing machine.
Doon niya ngayon nadama ang bigat ng ginawa niya at nagsisisi
siya. Ipinagdasal niyang mabuhay pa si Joey kahit na galit
pa rin siya. Gusto niyang puntahan muli si Joey para tiyakin
kung napatay nga niya ito o hindi subalit natakot siya. Naawa
siya sa kanyang mga anak na natutulog na noon. Kinabukasan
ay inabangan niya sa telebisyon ang balita tungkol sa ginawa
niya. Nalaman niyang patay si Joey at siya ang pinaghihinalaan.
Naalala niya ang kutsilyo at alam niyang sapat na ebidensiya
laban sa kanya. Tatlong araw siyang naghintay bago dumating
ang mga pulis. Sampung taon sa bilangguan na may kasamang
sapilitang pagtratrabaho ang parusang ibinigay sa kanya ng
hukom.