SI ELVIRA AY NAKASUHAN ng pagpatay, pagmamay-ari ng sandata,
pagnanakaw, at pagtapon ng bangkay. Inaamin niya ang
mga bintang na ito sa hukuman.
Maglalabimpitong taon si Elvira nang siya ay unang pumunta
sa Hapon. Niyaya siya ng Pilipinang kapitbahay niya sa Pilipinas.
May-ari daw ng pabsnak ang asawa nito at nangangailangan ng
hostess. Dahil sa wala namang lisensiya para mag-rekrut
ng mga katulad niya ay hindi siya nabigyan ng bisa sa Hapon.
Pumayag na lamang siyang mag-tourist visa.
Dalawa silang na-rekrut noon kaya hindi niya inakalang may
masamang mangyayari sa kanyat ipapasa lang siya sa iba.
Wala siyang naging laban nang halayin siya ng naging amo niya
at ibinenta siya sa mga Hapones. Kapag tumanggi siya
lalo na kung panahon niya ay sinasaktan siya. Lima raw
silang Pilipina at ang pinakamatanda ay 19 na taon lamang.
Sa maikling salita ay tumakas siya at na-overstay. May
nagsumbong sa kanilang pinagtatrabahuhan at sila ay hinuli
ng pulis. Dahil sa bata pa siya at wala pang isang taong
nag-overstay ay pinauwi na lamang siya.
Dahil sa naranasan niyang magkapera at makatikim ng kasaganaan
ay naisip niyang bumalik agad sa Hapon. Tamang-tama namang
may nagyaya sa kanya. Hindi pa siya nagdadalawang buwan sa
Pilipinas ay balik na naman siya sa Hapon. Nang sumunod
ay may bisa na siya, at sa pinagtratrabahuhan niyang pabsnak
ay nakilala niya ang kanyang asawang si Hiroshi na may edad
na at diborsiyado. Wala namang naging problema dahil sa pasaporte
niya ay nakasulat na 23 taon na siya kahit na mas bata siya
ng 5 taon.
Nagkaroon sila ng tatlong anak. Nasanay siya sa pagtratrabaho
sa gabi at dahil sa madaling araw siya kung umuwi ay hindi
siya makagising nang maaga para paghandaan ng pagkain ang
kanyang asawa at mga anak. Ang nag-aasikaso ay ang asawa
niya bago umalis ng bahay at sa gabi pag-uwi nito dahil sa
kailangan niyang magtrabaho sa gabi.
Doon niya nakilala si Takao na binata at madalas sa mga pabsnak
na may hostess na Pilipina. Ang totoo ay hindi lang
si Takao ang naging boyfriend niya. May isang executive
ng isang kompanya na nagyaya sa kanya sa hotel kapalit ng
pera para sa pagpa-pachinko niya. Iyon lang daw ang
dibersiyon niya na siyang naging dahilan kung bakit hindi
siya pinagkakatiwalaan ng malaking pera ng kaniyang asawa.
Hindi lumalaon ay niyaya na rin siya ni Takao sa hotel.
Nasundan pa iyon ng ilang beses hanggang sa isang araw ay
naging kakaiba ang kanyang pakiramdam. Dahil sa tatlo
na ang kanyang isinilang na anak ay tiyak niyang siya ay nagdadalangtao.
Dahil matagal na rin siyang hindi nakipagtalik sa kanyang
asawa o kahit na sino sa kanyang nga kalaguyo ay alam niyang
si Takao ang ama ng dinadala niya.
Tinawagan niya si Takao at sinabi niya ang kanyang kalagayan.
Nagkita sila sa isang hotel, at bago nag-usap ay nagtalik
daw muna sila. Nagalit siya nang sabihin ng lalaking
hindi siya naniniwalang siya ang ama ng magiging anak niya.
Umiyak siya. Dahil takot sa eskandalo ang lalaki ay nangakong
bibigyan siya ng pera para ilaglag niya ang bata. Sinabi
niyang kailangan niya ng 500,000 yen (50 lapad) kaya ilang
araw lamang ang lumipas ay inabutan siya ni Takao ng ganoong
halaga.
Subalit saan niya ginamit ang pera? Sa Pachinko. Nang
magkita uli sila ng lalaki ay hindi nito napansin na hindi
siya nagpalaglag dahil sa hindi pa malaki ang tiyan niya .
Natakot din siya sa asawa niya dahil malalaman at malalaman
nitong hindi sa kanya ang dinadala niya. Pinagkakaipit-ipit
niya ang kaniyang tiyan. Subalit ang lihim ay hindi
maitatago lalo nat may nakikitang ebidensiya. Nang
makita ni Takao na hindi siya nagpalaglag ay pinagsabihan
siyang isauli niya ang pera ng lalaki. Wala naman siyang
maibalik na pera dahil nagamit na niya sa bisyo niya.
Nang sabihin sa kanya ni Takao na ipapaalam ang ginawa niyang
panloloko at pagbubuntis sa asawa niya ay nagpanting ang ulo
niya. Sinabi niya sa lalaking makikipagkita siya at
isasauli ang kalahati muna ng nakuha niya. Pumayag naman
ang lalaki at nagpasundo pa sa kanya.
Nagpunta sila ni Takao sa isang liblib na lugar at doon ay
sinumbatan siya nang husto ng lalaki. Nang magsisigaw siya
ay sinampal siya ng lalaki. Noon niya ngayon naalalang
may dala siyang kutsilyo. Sinalat niya ito sa kanyang bulsa,
at inilabas nang tiyempong dumungaw sa bintana ng kotse ang
lalaki, sabay saksak ng kutsilyo sa likod. Bumaon ang patalim
hanggang sa ugat ng puso. Nagulat ang Hapones, at tinangkang
agawin ang kutsilyo subalit nanghina na ito at humandusay
sa kanyang kinauupuan. Sa taranta niya ay hindi na niya
hinugot pang muli ang kutsilyo. Kumaripas niyang pinatakbo
ang sasakyan.
Humanap siya ng pagtatapunan ng bangkay, at nang mapadaan
siya sa magubat na lugar ay pinasok niya ito. Sa dulong may
bangin papuntang dagat ay tinapon niya ang bangkay na hindi
bumagsak sa dagat kundi sa isang nakausling bato. Kinabukasan,
kitang-kita ng mga nagdaan ang bangkay at ipinaalam ito sa
pulis. Agad naman nalaman kung sino ang bangkay at sa
ginawang pangunang imbestigasyon ay lumabas ang pangalan niya.
Nang ihambing ang tatak ng daliri na nakabakat sa kutsilyo
ay natukoy siya.
Nang mahuli siya nang mga pulis at sinimulang imbestigahan
ay napadali ang kanyang panganganak kaya naantala ang pag-imbestiga
sa kanya ng isang buwan. Nang makalabas siya ng ospital
ay sinabihan siya ng mga may kinauukulan na ilalagay pansamantala
ang kanyang anak sa bahay-ampunan dahil ayaw namang kunin
ng kanyang asawa ang bata. Ang kanyang asawa ay nagbigay
ng pahayag sa pulisya na ididiborsiyo siya sa lalong madaling
panahon kahit man lamang daw para iligtas ang kanilang mga
anak sa pintas ng iba dahil sa ginawa niya. Ang balak
ng tagapagtanggol niya ay kausapin ang pamilya ng biktima
na kunin ang bata at kaawaang palakihin bilang kapalit sa
anak at kapatid nila na namatay.
Buhay pa ang mga magulang ni Takao, subalit ang kanyang ina
ay may sakit ng pagkaulyanin o dementia. Nang nakaburol
daw ang biktima, ang tanong daw ng ina sa kanyang ama ay,
Sino ba ang guwapong lalaking nasa larawang nasa ibabaw
ng kabaong?*