Kahit na alam ni Normita na kilalang babaero si Masahiro
ay pinatulan niya ito nang humiwalay siya sa kanyang asawang
Hapon. Madalas daw siyang saktan ng kanyang asawa. Subalit
sa totoo lang ay pangatlo na si Masahiro sa mga naging kalaguyo
niya.
Noong una ang naging kasintahan niya ay isang Pilipino na
ipinakilala niya bilang pinsan sa kanyang asawa. Ito ang sinamahan
niya nang unang humiwalay siya sa kanyang asawa, subalit dinakip
ang lalaki at napauwi sa Pilipinas. Ang sumunod ay isang taga-Iran
kung kanino nagkaroon siya ng isang anak. Pinauwi niya ang
bata sa Pilipinas nang mahiwalay siya sa ama nito pagkatapos
itong mahuli sa pagbebenta ng shabu. Dahil sa kailangan niyang
mabuhay at masustentuhan ang anak niya ay nagpatuloy siya
ng pagtratrabaho sa isang inuman. Doon niya nakilala si Masahiro.
Naging kasintahan ito ng isang talento, at nang umuwi na ang
talento ay siya naman ang binalingan ng palikerong Hapon.
Sinabi niya sa hukuman na layunin lang niyang kuwartahan ang
Hapon subalit nahulog ang loob niya dito at sila ay nagkaroon
ng ugnayang seksuwal. Nang magdalangtao siya ay saka lamang
niya nalamang may asawa ang Hapon at hindi siya maaaring pakasalan.
Sinabihan siya nito na ilaglag niya ang bata, at binigyan
siya ng pera subalit hindi niya ginawa ang ipinagagawa. Kahit
papaano ay namayani daw sa kanya ang takot sa Diyos dahil
sarado raw silang Katoliko. Ito rin ang isa pang ginagamit
ng tagapagtanggol na depensa sa kaso niya.
Nagalit ngayon ang Hapon sa hindi niya pagsunod sa ipinagagawa
niya. Naging madalas ang pag-aaway nila at pagbabanta sa isat
isa. Nang malapit na siyang manganak ay sinabi niya sa Hapon
na tulungan siya sa gastos sa ospital. Subalit ayaw magbigay
ng pera ang Hapon gawa nang nagbigay na raw siya noon, bagkus
sinisi pa siya sa paglaki ng kanyang tiyan. Hindi raw nito
obligasyon na tustusan siya dahil paglalaro lang daw ang layunin
nito sa kaniya.
Nagdilim ngayon ang paningin niya at inilabas niya ang dala
niyang kutsilyo at sinaksak ang lalaki nang ilang beses. Nang
tanungin siya ng mga pulis kung ilang beses niyang sinaksak
ang kalaguyo ay sinabi niyang hindi niya natatandaan. Naintindihan
naman iyon ng mga batikang imbestigador subalit kahit ano
raw ang katwiran niya ay hindi niya dapat na dinala ang kutsilyo
at pinatay ang kalaguyo niya na ama ng kanyang anak.
Ang masama pa ay kinapkapan niya ang Hapon nang malagutan
ito ng hininga, at kinuha niya ang pera sa loob ng pitaka
niyon. Pagkatapos ay pinaandar niya ang sasakyan nito, at
nagpunta siya sa isang liblib na pook at kinaladkad niya ang
bangkay hanggang sa isang kubling lugar kung saan iniwanan
niya ang bangkay. Madilim na noon at nagmamadali siyang lumisan
sa lugar na iyon at nanalangin na walang makakakita sa bangkay
hanggang sa mabulok ito at hindi na makakilala.
Subalit ang sabi nga ay Walang utang na hindi pinagbabayaran.
Tatlong araw pagkatapos niyang patayin ang Hapon ay nakita
ang bangkay nito. Siya agad ang pinagsuspetsahan ng mga pulis
nang malaman ang tungkol sa relasyon nila. Mga Pilipinang
kasamahan din niya sa inuman ang nagsabi sa mga pulis tungkol
doon, lalo na iyong mga naging kasintahan din ng pinatay niya.
Naawa man ang mga pulis nang manganak siya dahil kailangan
ng sanggol ang kalinga ng ina ay inihiwalay ang bata sa kanya
dahil hindi puwedeng sa kulungan din matutulog iyon. Inilagay
ngayon ang bata sa isang bahay ampunan, at saka na pagpapasiyahan
ang gagawin doon kapag nabigyan na siya ng hatol.
Problema din niya ang isa pa niyang anak na nasa Pilipinas.
Mahirap lang daw sila at pihado daw na hindi makakaya ng mga
magulang niya na arugain ang anak niya nang husto. Naaawa
siya sa kanyang sarili subalit wala naman siyang ibang masisisi
sa sinapit niya.
Mahirap kasi ang ginagawa ng mga Pilipina na upang makapanuluyan
sa Hapon at makapagpatuloy ng pagtratrabaho nila sa gabi ay
nagpapakasal sa hindi nila minamahal. Kaya sa bahagyang kanti
lang ng asawang Hapon ay hiwalay agad ang panakot. Ang masama
ay nawawala ang kanilang mga delikadesa at kung sinu-sino
na lang ang pinapatulan hanggang sa sila ay mahiwalay sa mga
asawa nila.
Ganoon ang istorya ni Normita. Ngayon ay nagdurusa siya at
nag-aalala tungkol sa kung papaano na ang mangyayari sa mga
anak niya. Subalit dapat sana ay inisip niya muna ang kapakanan
nila bago niya pinag-isipang patayin ang Hapon. Sinabi niya
sa mga pulis na wala talaga siyang balak na patayin ang Hapon
kundi tatakutin lang sana kaya dala-dala niya ang kutsilyong
ginagamit niya sa kanyang kusina.
Mahirap talaga ang gumawa ng labag sa mga utos ng Diyos.
Patong-patong ang nagiging pagsubok ng tadhana at kahit na
ano pa ang gawin ay talagang malaking pagbagsak ang nangyayari.
Patawarin sana ng Diyos si Normita! Maging leksyon sana ito
doon sa mga Pilipinang nagwawala dito sa Hapon. Ang sabi nga,
Nakahiga na nga sa kama ay bumaba pa.*