Philippines Today Online Edition
The longest-running, most widely read newspaper for Filipinos in Japan
Home 
Interview 
Opinion 
Features/ 
Lifestyle 
Entertainment 
Sports/Fitness 
Laff Page 
Community 
News 
OFW Corner 
Phil. Headlines 
Japan Headlines 
Press Releases 
SITE SEARCH
Advance Search
Liham sa editor 
Talakayan 
Balitaan 
Readers' 
comments 
Site search 
Subscribe to the PT mailing list to receive monthly updates
Enter Email Address

Search for Filipino Sites
browse by category

 

Mga paalala, kabayan

Nakakailang beses na rin kaming nakadalaw sa Ushiku Detention Center nila Neddie Codog at Orly. Sa bawat bisita namin, pinauunlakan kami ng ating mga kababayang nasa loob at sila’y laging nagbibigay ng oras para sa amin.

Si Neddie ng Saitama Catholic International Center Open House ang laging may listahan ng mga kababayan nating nasa Ushiku Detention Center o sa iba pang kulungan dito sa Japan. May panahong tama ang listahan niya, may araw din na kulang dahil meron na palang bagong ipinasok na kababayan natin. Nalalaman namin ito sa kwento ng mga binibisita namin. Kung may oras pa kami, binibisita rin namin ang mga baguhan. Kung wala na kaming oras, sa susunod na pagkakataon na lamang namin nakikilala’t nakakausap ang mga ito.

Marami kaming natutunan sa aming pagdadalaw sa ating mga kababayang nasa loob ng detention center na nais naming ibahagi sa ating mga kababayan sa Japan. Ito ang mga paalalang napulot namin mula sa karanasan ng ating mga kababayang nasa loob na ng kulungan dito sa Japan.

Paalala No. 1: Nauubos din ang yen.

Marami sa ating mga bilog na kababayan ang naniniwalang hindi nauubos ang
yen. Basta magtiyaga lang magtrabaho, laging may pera dito. Dahil sa paniniwalang ito, maraming nag-aakalang pwedeng ipagpaliban ang pag-iipon o pagpapadala ng pera sa pamilya sa Pilipinas. Tuwing suweldo, punta sa pachinko, sa bar, sa department store at iba pa. Hanggang sa susunod na sahod, gagamitin ang pera para sa good time dito sa Japan.

Dahil matagal na rin sila sa Japan at hindi nahuhuli kahit bilog o overstay, marami talagang nag-aakalang laging may yen, okay ang mag-enjoy, tutal tuloy-tuloy naman ang yen.

May 14 years na sa Japan ang isa naming binisita sa Ushiku kamakailan lang at nasabi niya sa amin na ayaw niya pa sanang umuwi’t wala pa siyang sapat na naiipon. Pati ang kapwa niyang nahuli na wala pang limang taon dito ay nagulat at nagtanong sa kanyang di-kapani-paniwalang kwento na wala pa siyang sapat na naipon sa 14 na taong pagtratrabaho niya sa Japan, mula ng siya’y 18 taon pa lamang.

Hindi lamang siya. Maraming nahuli na hindi man lang nakapaghanda ng kahit pambili ng KDD card na siya lamang maaaring gamitin sa loob ng kulungan. Marami ring nahuli na wala man lamang pamasahe sa pag-uwi sa Pilipinas kaya naaantala ang kanilang paglabas at pagkaka-deport sa atin.

Paalala No. 2: Laging mag-ipon at magpadala ng pera sa atin para sa inyong maayos at matiwasay na kinabukasan.

Paalala No. 3: Laging magdala ng pera sa loob ng sariling pitaka para pambili ng telephone card (KDD lamang ang pwedeng gamitin sa loob ng mga bilangguan dito) at para rin sa pambayad ng tiket pauwi sa Pilipinas.

Ang pinakamurang tiket papuntang Manila ngayon, one way, ay mga Y39,000 to 40,000.

Paalala No. 4: Kung may bibilhin mang mahalaga’t mamahaling bagay, ipadala kaagad at huwag nang maghintay pa nang matagal.

May mga kaso kaming alam na nawala lahat ng pinagbibili nilang mga mamahaling gamit pagkatapos nilang mahuli’t makulong. Sayang…

Paalala No. 5: Ayusin din ang mga ari-arian at mga sariling gamit, laging handa kung sakaling mahuli nang hindi inaasahan nang ang mga ito ay madala sa kulungan o maipadala kaagad ng mapagkakatiwalaang kaibigan o kamag-anak sa Pilipinas.

Paalala No. 6: Nagkaka-amnesia hindi lamang ang mga kaibigan kundi ang sariling mga kamag-anak at pamilya kapag kayo ay biglang mahuli’t makulong.

Dahil sa takot para sa sarili o ano pa mang dahilan, marami sa aming nabisita sa detention center ang malungkot na nagkwento sa biglang lamig na pakikitungo sa kanila ng dating mga katipan, kaibigan, kamag-anak o ka-pamilya. Hindi na sinasagot ang mga tawag nila. Hindi man lamang sila dalawin ng mga kakilala nilang may “bala” ( may visa).

“Mahirap di-mag-isip ng masama sa loob ng kulungan,” sabi ng isa naming nakausap sa kulungan. Wala silang makausap sa kanilang mga dating kakilalang nasa labas, parang bulang nawala ang dati nilang mga minahal na mga kasama, kaibigan, katipan, o kamag-anak mula nang sila’y makulong. Napakalungkot. Marami sa kanilang hindi mapigilan ang mapaiyak sa hinagpis.

Lalo na ang mga kaibigan nilang may utang na pera o alahas sa kanila – biglang hindi na nila ma-kontak at mahabol pa ang bayad o pagsasauli ng kanilang mga mahalagang gamit mula sa kulungan.

Paalala No. 7: Maghanda ng nakasulat na kasunduan kung magpapautang ng malaking halaga.

Pwedeng gamitin ang dokumentong ito para mahabol ng mga concerned groups ( tulad ng church groups, volunteers atbp) at maisauli’t mabayaran ang mga ipinagkatiwalang mga bagay. Alamin din ang buong tunay na pangalan, address dito sa Japan at sa Pilipinas, telepono at iba pang mahahalagang impormasyon ng mga taong hihiram sa inyo ng malaking halaga.

Ganito rin ang gawin para makuha ninyo nang buo ang inyong sahod mula sa inyong pinapasukan. Kunin ang kumpletong pangalan, address at telepono ng inyong amo at kumpanyang pinapasukan para ma-follow up ito ng mga volunteers o mga taga-simbahang tutulong sa inyo.

Paalala No. 8: Kung sakaling mahuli kayo nang hindi ninyo inaasahan, laging tandaang tumawag (para may makadalaw at makatulong sa madaling paglutas ng inyong kaso sa Immigration) sa Philippine Embassy sa Tokyo ( 03-5562-1600) at hanapin si Mr. Larry Sumando o Consul Beth Pono o ipaalam ang inyong kalagayan sa operator. Pwede ring tumawag kay Neddie Codog sa Open House, 048-827-0055, 0285-22-0422 o sa cell niya, 090654-02-318.

Paalala No. 9: Walang piyansang pinahihintulutan sa mga kulungan ng Japan para sa mga nahuhuling overstay.

Huwag ninyong pansinin ang mga kunyari’y nagmamalasakit sa inyo’t gusto kayong tulungang makalabas at makapiyansa, kapalit ng ilang lapad. Huwag na huwag po kayong magbayad para sa piyansang hindi kailanma’y naibibigay sa mga overstay dito sa Japan.

Sana’y makatulong sa inyo itong ipinamahagi sa ating lahat ng ating mga nahuling kababayan na ngayon ay naghihintay kung anong desisyong ipapataw sa kanila ng Japanese Immigration.

Ipagdasal din nating magkaroon ng kapayapaan ang mga nahuli nating mga kababayan at para sa inyong lahat na biniyayaan ng Panginoon ng kalayaan, trabaho, kaibigan at kamag-anak, konting ingat lang, Kabayan.

Paalala No. 10: Kung lahat ng mga migranteng Filipino ay mag-reregister para sa susunod na halalan, may pag-asang magkaroon ng tunay na pagbabago’t liderato sa ating bansa.

Gamitin natin ang lakas ng higit sa 8 milyong migrante para sa ikauunlad na ating bayan, ng ating pamilya, ng ating sarili. IPAGLABAN ANG PWERSANG MIGRANTE! Mabuhay kayo, mga migranteng Filipino! *


Ed's note - Prof. Ballescas is a visiting professor at the University of Tsukuba.

Back to top


We welcome our readers to contribute their articles to Philippines Today Online. If you would like to submit your article for posting at this site, please use our Submission Form.



Click for the latest Yen-Peso Rate

OTHER STORIES

CONSUMER BEAT
Fitness business


FINESSE
Basic beauty must-haves

HALF THE SKY
Parenting alone

@UrService
Mga paalala, kabayan

POLICE BLOTTER
Nakahiga na sa kama...

SPECIAL FEATURES
Handling criticism

Nursing: a new craze

 









Philippines Today
Copyright © 2001-2002. All Rights Reserved.
Email: webadmin@philippinestoday.net
URL: http://www.philippinestoday.net