Philippines Today Online Edition
The longest-running, most widely read newspaper for Filipinos in Japan
Home 
Interview 
Opinion 
Features/ 
Lifestyle 
Entertainment 
Sports/Fitness 
Laff Page 
Community 
News 
OFW Corner 
Phil. Headlines 
Japan Headlines 
Press Releases 
SITE SEARCH
Advance Search
Liham sa editor 
Talakayan 
Balitaan 
Readers' 
comments 
Site search 
Subscribe to the PT mailing list to receive monthly updates
Enter Email Address

Search for Filipino Sites
browse by category

 

Diyosa ng kagandahan

by Mamita Moran

Uso na naman ngayon ang paglabas ng mga listahan ng mga pinakamaganda at pinaka-seksing kababaihan. Sino na nga ba ang mga laging “in” sa listahan ng pinakamagandang babae sa balat ng lupa? Madalas mapasama sa listahan sina Jennifer Lopez, Julia Roberts, Halle Berry at Jennifer Aniston. Ang Pinoy ay hindi nagpapahuli sa usapang pampabyuti dahil marami rin tayong pambato. Sa survey ng FHM magazine, alam kong pasok ang singer-actress na si Agot Isidro, ang Filipino-Austrian co-host ng Masayang Tanghali Bayan (MTB) na si Cindy Corletto at ang seksi star na si Diana Zubiri.

Kaya naman nagkakandarapa ang mga ordinaryong byuti sa paggaya ng latest trends na pinapauso ng mga iniidolong babae. Hindi nga ba’t gusto mo ring magkaroon ng kasindulas, kasingkintab at kasinghaba ng buhok ni Lucy Torres-Gomez at MTV VJ na si Donita Rose? Ano kaya ang sikreto nina Kristine Hermosa at Claudine Barretto sa pagkakaroon ng flawless na kutis? Maxi-Peel. Aba, wag mag-aksaya ng panahon. Mag-Maxi-Peel na, nang magkaroon ng kutis-artista! At sino ba ang hindi nagpapantasyang magkaroon ng katawang tulad kay J-Lo? Sugod na sa gym, mga mare! Mag-Pilates, mag-Muay Thai, mag- Tae-bo, mag-running, mag-diet. Whew! Kapag may parte naman ng katawan na gustong palakihin o paliitin, takbo na sa derma. Itago ang mga bilbil na di dapat makita. Pagdating sa pagpapaganda, hindi dapat magpahuli. Baka mabansagan kang “baduy’, “jologs”, “wa-class”, o kaya ay “cheap”.

Hindi naman masama ang magpaganda. Ito’y isang paraan ng pag-alaga ng ating katawan at kalusugan. Nagiging masama ito kapag nagiging sobrang vain ang isang tao. Marami sa kababaihan ang nagiging alipin nito sa kagustuhang maging pinakamaganda sa lahat. Nakakalimutan tuloy natin na hindi ito ang pinakamahalagang bagay sa mundo. At may ibang paraan ng pagpapaganda na bukod sa mura na ay tumatagal pa. Akala kasi natin lagi ay dapat gumastos para maging maganda.

Kapag nanonood ako ng interviews sa mga artista, beauty queen o modelo, laging naitatanong ang beauty regimen. Naghihintay kasi lagi ang mga tao ng tips at mayroon silang checklist, mga do’s and don’t’s. Paano ba pumuti? Ano ba ang gagawin para mapansin din ng ibang tao ang ating byuti? Ang ibang artista sinasabi na kumain ng maraming prutas at uminom ng maraming tubig. Sikreto daw ‘yun ni Sofia Loren kaya hanggang ngayon ay bongga par rin ang kanyang byuti. Ang iba naman ay nagsasabing dapat sabayan ng sapat na tulog at exercise. May naliligo sa gatas para manatiling parang baby ang kutis. May nagsasabing spa ang solusyon para manatiling maganda ang katawan.

Walang masama sa mga tips ng beauty experts. Walang masama kung subukan ang isa, dalawa, o lahat ng tips para malaman ang hiyang sa iyo. Kaya lang kung puro ganito lang ang gagawin natin, baka isipin nating ang kagandahan ay panlabas lamang. Baka makalimutan tuloy natin na lahat tayo ay ipinanganak na maganda dahil ang tunay na kagandahan ay galing sa kalooban. Hindi ba’t ang isang taong in-love, kahit na hindi gumamit ng eye shadow, lip liner, foundation o mascara ay sasabihan nating blooming kasi ang pag-ibig na nararamdaman niya ay umaapaw. Kapag tayo’y may kagalit o may sama ng loob na nararamdaman, hindi ito kayang patungan ng Covergirl Ultimate Finish Liquid Powder make-up. Di rin ito matatanggal ng concealer o ng Body Shop Tea Tree Oil Body Scrub. Lalong hindi kaya ng powers ng Green Valley Spa Clarity Face Moisturizer at di rin masasangga ng Hawaiian Tropic SPF 30+ Sunblock.

Para sa akin ang tunay na maganda ay ang mga taong may masayang disposisyon sa buhay. Marunong silang magtiwala sa ibang tao at may tiwala rin sa sarili nilang kakayahan. Malaking bahagi ng kanilang beauty regimen ay ang paggawa ng mabuti sa kapwa, may camera man o wala na nakatutok. Sila ang mga tao na hindi natataranta kapag naglitawan na ang mga puting buhok. Nakakita ka na ba ng matatanda na parang kuntentong-kuntento sa buhay, kahit na ni minsan ay di sila naging cover ng Cosmopolitan magazine o di man lang nakatikim ng hair wax at DKNY na damit? May isa o dalawang lipstick sila pero di ito Bobbi Brown. Sila ang mga babaeng di naghihintay na pansinin sila ng ibang tao. Ang kagandahan nila ay hindi nasusukat ng anumang listahan. Sa aking palagay, sila talaga ang dapat na hangaan pagkat sila ang tunay ng mga diyosa ng kagandahan.*

Back to top


We welcome our readers to contribute their articles to Philippines Today Online. If you would like to submit your article for posting at this section, please use our Submission Form.

 



Click for the latest Yen-Peso Rate

OTHER STORIES

CONSUMER BEAT
BancNet's development


FINESSE
Telephone courtesy

HALF THE SKY
Intentional solitude

SPECIAL FEATURES
Attachments and letting go

The family planning debate

Diyosa ng kagandahan

Ghosts and goblins, Japanese style

Philippines, a nation of migrants

Raising readers









Philippines Today
Copyright © 2001-2002. All Rights Reserved.
Email: webadmin@philippinestoday.net
URL: http://www.philippinestoday.net