|
Bati na si Jinggoy Estrada
at Bong Revilla
  |
|
Jinggoy Estrada (left) and Bong Revilla
|
MATAPOS ang mahigit sa isang taon ay nagkasundo na rin ang
dating matalik na magkaibigan na si Jinggoy Estrada at Bong
Revilla. Nagsimula ang lahat sa ikapitong anibersaryo ng showbiz
talk show na Startalk kung saan ginanap ang interview sa dalawa
ni Lolit Solis na isa sa mga hosts. Nag-usap ang dalawa on-air
at doon inamin ni Bong na mali ang ginawa niyang pagtalikod
sa kaibigan noong Edsa Dos.
Nasundan pa ang nasabing insidente at dito raw talaga nangyari
ang totoong reconciliation ng dalawa. Naganap ito sa birthday
party ng asawa ni Jinggoy na si Precy at ng kanilang anak
na idinaos sa Veterans Memorial Hospital. Kabilang sa mga
bisita ay ang mga kapatid ni Bong na sina Rowena at Andrea
na mga kumare ng mag-asawa. Nagsimula ang "pasaring"
tungkol kay Bong ng may nagtanong kay Jinggoy kung okay lang
daw sa kanya kung biglang pumunta doon si Bong. Pabirong sumagot
si Jinggoy na dapat isara raw ang pinto (para hindi makapasok
si Bong). Pagkatapos ng ilang oras ay meron uling nagbiro
at nagsabi na baka raw bumisita si Bong. Sumagot uli ng pabiro
si Jinggoy na papapasukin niya na raw si Bong kung sakaling
sumulpot ito sa loob ng limang minuto.
Laking gulat ng lahat, lalo na ni Jinggoy, ng pagkatapos
ng mga isang oras ay bigla ngang dumating si Bong. Nagyakapan
ang dalawa pero hindi pa rin sila nag-imikan. Nawala lang
ang tensiyon ng pumalakpak ang lahat dahil sa pagkakasundo
ng dalawa. Para kay Bong ay kompleto na ang kanyang Pasko
dahil ang naganap na insidente ang hinihingi niyang Christmas
gift.
Patuloy ang laban ni Kaye Torres para
kay Nida Blanca
Matapos ang isang taon ay wala pa ring linaw ang pagkamatay
ni Nida Blanca pero hindi nawawalan ng pag-asa ang kanyang
anak na si Kaye Torres. Ayon kay Kaye, kahit nagagalit siya
sa sobrang bagal ng sistema ng hustisya ay naiintindihan din
naman niya ito. Iyon nga lang, naiinip siya dahil gusto niya
raw mahuli ang pumatay sa mommy niya. Naniniwala raw siya
na may kinalaman ang step-father niyang si Rod Strunk sa pagkamatay
ng ina. Nagpapasalamat siya at kahit papano ay nasa tamang
direksiyon raw ang pinatutunguhan ng kaso.
Cesar Montano, balik Pilipinas na
Bumalik na si Cesar Montano matapos ang limang buwang shooting
nito sa Australia para sa pelikulang The Great Raid na hango
sa librong "The Great Raid on Cabanatuan". Kasama
niya sa pelikula si Benjamin Bratt ("Miss Congeniality"),
Joseph Fiennes ("Shakespeare in Love") at Connie
Nielsen ("The Gladiator"). Bumaba ang timbang
nito sa 150 pounds mula 180 dahil dose oras ang shooting daw
nila araw-araw. Unang ipapalabas ang The Great Raid sa Cannes
Film Festival sa May 2003 bago ito i-release. Ang ibang Pilipino
na kasama sa pelikula ay sina Bembol Roco at ang nakababatang
kapatid ni Cesar na si Rommel Montano.
Back to top
Page 1
2 3
|