 |
Diwa ng Pasko at Bagong Taon
ANG BUWAN NG DISYEMBRE ay isa sa mga maliligaya at masayang
araw sa loob ng isang taon. Ito ay pinanabikang mga araw ng
marami, mahirap man o mayaman, sa mga liblib na nayon at maging
sa mga siyudad. Ang malamig na simoy ng hangin, mahabang gabi,
at kinang ng mga Christmas lights at parol sa bawa't
tahanan ang siyang nagpapahayag ng tunay na diwa ng Pasko
at pagtatapos ng taon. Ang Pilipinas ay pinaniniwalaang isang
tanging bansa na may pinakamatagal at pinakamahabang araw
ng kapaskuhan --- patunay ng kanyang pagiging isang bansang
Kristiyano.
Nakapagtataka marahil kung bakit sa kabila ng maraming problemang
kinakaharap sa ngayon ng bansa at nang sambayanang Filipino,
sa kabila ng mga masasamang balita na halos araw-araw ay laman
ng mga pahayagan --- patayan, aksidente at trahedyang nagbubuwis
ng maraming buhay, kidnapping, anomalya sa loob at labas ng
pamahalaan, ang patuloy na digmaan sa maraming bahagi ng Mindanao,
pananalasa ng bagyo, panununog at raid ng mga teroristang
komunista/Abu Sayyaf/MILF na pawing mga kaaway ng katahimikan,
ang malubhang problema sa pananalapi ng gobyerno, kawalan
ng hanap-buhay ng maraming mamamayan, pati na ang unti-unting
pagbulusok ng halaga ng piso kontra sa dolyar, atbp. --- ang
lahat ng ito ay di sapat para itago at pagtakpan ang masayang
diwa ng kapaskuhan sa puso at damdamin ng maraming Filipino.
Ano nga ba ang tunay na diwa ng Pasko? Ito ay ang paggunita
sa araw ng pagsilang ng Poong Hesus, may 2000 taon na ang
nakakaraan. Noon sa isang malamig at madilim na sabsaban sa
Bethlehem sumilang ang Manunubos --- ang natatangi at pangakong
Anak ng Diyos --- na siyang inaasahang magbibigay katuparan
sa magandang kinabukasan ng sanlibutan. Ang payak na sabsaban
ng mga tupa ang simbolo ng pagpapakumbaba (humility), samantalang
ang pagdalaw at pagbibigay regalo ng Tatlong Haring Mago ang
kumakatawan ng pagbibigayan at pagmamahalan (love, friendship
and brotherhood) ng bawa't tao sa isa't isa.
Samantala, ang diwa ng Pasko ay di kumikilala ng layo o agwat
sa pagitan ng mga taong nagmamahalan. Marami sa ating mga
kababayan ang ngayon ay nasa ibang bansa, katulad halimbawa
dito sa bansang Hapon, kung saan dahilan sa pangangailangan,
ay nagdiriwang ng Pasko na malayo sa kanilang pamilya at kasambahay
--- pagdiriwang na malayo sa piling ng kanilang kaanak at
mahal sa buhay. Ang diwa ba ng Pasko ay nababawasan ng ganitong
situwasyon?, Hindi, sa aming palagay, sapagka't ang
pagmamahal ay di kayang ikulong sa hawla o kaya't palibutan
ng rehas at bato. Ang tunay na diwa ng Pasko ay nasa puso,
nasa damdamin, nasa ala-ala ng bawa't tao --- sa sinoman
na nagmamalasakit at nagmamahal.
Ito ay isa lamang sa mga hiwagang bumabalot sa diwa ng kapaskuhan.
Marami nang mga Pantas ang nagbigay paliwanag sa tunay na
kahulugan ng araw na ito, mga pananaw na sa pagdaraan ng maraming
taon ay lalo pang pinatitingkad ng aktuwal na karanasan at
saloobin ng marami --- mga kasiyahang di matatawaran ng salapi
o bigat ng mga problemang kinakaharap sa buhay.
Samantala, ang araw ng Pasko ay sinusundan ng Bagong Taon
--- isa ring natatanging araw na may sariling diwa at kalatas
sa puso ng marami --- ang pagtalikod sa nakaraang taon at
masayang pagsalubong sa darating; ang simbolo ng bagong pag-asa,
ng bagong pananaw, bagong pagharap at pakikipagsapalaran sa
buhay. Ang Bagong Taon ay isang bagong pangako sa buhay ng
bawa't tao, pangako ng isang magandang bukas na nararapat
pagyamanin at bigyan ng katarungan. Pangako ng isang bagong
hamon ng pakikipamuhay at pakikipagsapalaran. Sa tulong at
kalinga ng Panginoon, sa pamamagitan ng sipag at tiyaga ng
bawa't mamamayan, tunay na ang hinaharap ay magiging
maligaya sa sinomang nagmamahal at di nawawalan ng pag-asa.
Sa lahat ng mga tumatangkilik at nagbabasa ng Philippines
Today, MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON sa inyong
lahat! *
Back to top
<React
to this article> <Read
other reactions>
You may email the author at ernie@philippinestoday.net.
|